LOSING MY RELIGION

by Tito Boy on April 24, 2011

"SISA!"...ganti ng Obispo sa nanggulo sa misa.

Dahil sa Reproductive Health Bill (RH Bill), tumindi ang bangayan ni P-Noy at ng simbahan. Ang mga pari ay aktibong nangangampanya laban sa RH Bill maski sa kanilang mga homily.

Maaring nagtatanong ka, hindi ba nangingialam na ang simbahan sa pagpapatakbo ng estado?

Bago ka makipag-debate sa mga maestro sa Luneta, tingnan muna natin ang nakasulat sa ating Saligang Batas kasama na rin ang ilang halimbawa na mga desisyon ng Korte Suprema.

CONSTITUTIONAL PROVISIONS

1. Magkahiwalay ang estado at ang simbahan.

The separation of Church and State shall be inviolable.”

Kita mo ang ginamit na salita—inviolable. Ibig sabihin, hindi pwedeng labagin. Nakaukit kasi ito sa ating kasaysayan. Ang dalawang aklat ni Jose Rizal ang magpapatunay ng pang-aabuso ng mga taong simbahan sa mga mamamayan.

Hindi kasi maaalis na malakas ang impluwensya ng relihiyon sa isang tao at maari itong gamitin at abusuhin.

2. Hindi maaring makialam, libre naman sa buwis.

Charitable institutions, churches and personages or convents appurtenant thereto, mosques, non-profit cemeteries, and all lands, buildings, and improvements, actually, directly, and exclusively used for religious, charitable, or educational purposes shall be exempt from taxation.”

Hindi ba’t malaking negosyo ang relihiyon? Nakakapagpatayo nga ang iba ng mala-Disneyland na kastilyo at makikita ang napakarangyang buhay ng kanilang mga lider.

‘Yan ay dahil libre ang simbahan at mga grupong pang-relihiyon sa buwis kasama ang kanilang mga lupa at establisimyento na aktuwal, direkta at eksklusibong ginagamit sa pananampalataya (mahabang usapan ito, sa susunod na topic na lang).

3. Bawal ang magtatag ng sariling simbahan ang estado.

No law shall be made respecting an establishment of religion, or prohibiting the free exercise thereof. The free exercise and enjoyment of religious profession and worship, without discrimination or preference, shall forever be allowed. No religious test shall be required for the exercise of civil or political rights.”

‘Di tulad ni Henry VIII ng Inglatera noong 1534, kung saan bilang hari, tinatag niya ang sariling simbahan; hindi maaring magtatag si P-Noy ng sariling kongregasyon at iproklama ang sarili bilang P-Pope at basbasan bilang mga obispo si Paquito, Ricky at Puno.

‘Di tulad ng Saudi na Islam ang opisyal na relihiyon ng estado, walang “official” na relihiyon ang Pilipinas at pinagbabawal na magtayo o magdeklara ang estado. Kaya huwag kang mag-alala na isang araw ay bigla ka na lang magising at malaman na si Boy Abunda o Kris Aquino na ang “official supreme leader” ng simbahan ng P-Noy Catholic Church.

Pinapayagan ng estado ang sinuman na sambahin ang gusto niya, kahit pa ang kakambal kong si Phil Younghusband, wala silang pakialam. Basta lang ‘wag kang gagawa ng labag sa batas. (Na-discuss na ang topic na ito sa blog article na “Faith No More”)

Bawal din isama sa mga pasulit ang patungkol sa relihiyon para isagawa ang iyong sibil at political na karapatan.

4. Bawal gumastos ang estado para sa simbahan.

No public money or property shall be appropriated, applied, paid, or employed, directly or indirectly, for the use, benefit, or support of any sect, church, denomination, sectarian institution, or system of religion, or of any priest, preacher, minister, other religious teacher, or dignitary as such, except when such priest, preacher, minister, or dignitary is assigned to the armed forces, or to any penal institution, or government orphanage or leprosarium.

Ni isang kusing ay hindi dapat maglabas ng pera mula sa kaban ng bayan para pambayad, pangsweldo, panggamit, benepisyo o suporta sa anumang sekta, relihiyon o kulto. Kahilera pa rin ito ng polisiya ng estado na walang relihiyon na papanigan ang gobyerno.

Ngunit maaring magpalabas ng pera upang ipambayad sa mga pari o ministro na nakatalaga sa hukbong sandatahan, kulungan, ampunan o sa mga leprosarium (ospital para sa mga may ketong)—hindi ko alam kung bakit kailangan specific para sa leprosarium at hindi kahit anong ospital lamang.

5. Pwedeng ituro ang relihiyon sa pampublikong paaralan ngunit…

At the option expressed in writing by the parents or guardians, religion shall be allowed to be taught to their children or wards in public elementary and high schools within the regular class hours by instructors designated or approved by the religious authorities of the religion to which the children or wards belong, without additional cost to the Government.”

…dapat may paalam ng mga magulang at mga tagapag-bantay ng mga bata at walang ilalabas na pera ang gobyerno para dito.

Sa mga taong produkto ng pampublikong paaralan tulad ko, makaka-relate kayo dito. Naalala ko tuwing Martes ay may pumupuntang galing simbahan na nagtuturo ng bibliya matapos sabay-sabay kantahin ang “Ang Diyos ang Sandigan, Hindi Nagigiba”.

SAGUTIN ANG MGA SUMUSUNOD

Matagal na nating hindi nagagawa ito kaya kailangan natin i-flex ang ating mga brain muscles. (Okay, wala palang muscles ang brain, sabi ng henyo kong sekretarya—Whatever!)

Ayon ito sa mga desisyon ng Korte Suprema:

1. Ayaw sumaludo sa watawat.

Nagpalabas ng kautusan ang kagawaran ng edukasyon nanire-require ang bawat estudyante sa pampublikong paaralan na ilagay sa dibdib ang kanang kamay/ sumaludo sa watawat ng Pilipinas habang inaawit ang Lupang Hinirang.

Pinagtatanggal ang mga estudyante ng pampublikong paaralan na nabibilang sa isang relihiyon kung saan itinuturo sa kanila ang pagbabawal sa pagsaludo sa anumang bagay o simbulo.

Tama ba na sipain ang mga estudyanteng nabibilang sa relihiyon na ito dahil sa kanilang paniniwala?

(Gerona vs. Sec. of Educ., GR No. L-13954, Aug 12, 1959; Ebranilag vs. Supt. of Schools of Cebu, GR No. 95770, March 1, 1993, Dec. 29, 1995)

2. Imahe na pinagawa ng barangay

Nagpalabas ng resolusyon ang isang barangay sa pagpapagawa ng isang imahe ng kanilang patron upang ipagdiwang ang kanilang piyesta. Ang imahe ay pag-aari ng barangay ngunit maari itong ipahiram sa simbahan at bukas sa sinumang nais manampalataya dito. Ang imahe ay ipinagawa gamit ang pera mula sa mga donasyon ng mga pribadong tao.

Nilabag ba ng mga namumuno ng barangay ang separation of church and state?

(Garces vs. Estanzo, GR No. L-53489, May 25, 1981)

3. Selyo ng relihiyon

Nagpalabas ang direktor ng post office ng bagong stamps o selyo bilang pag-aalaala o commemoration ng 33rd International Eucharistic Congress na inorganisa ng Romano Katoliko.

Tama ba ang ginawa ng direktor ng post office?

(Aglipay vs. Juan Ruiz, GR No. L-45459, March 13, 1937)

4. Halal

Nagpalabas ng kautusan ang Office of the Muslim Affairs (OMA, na nasa ilalim ng Opisina ng Presidente) bilang eksklusibong kinatawan ng mag-issue ng certification ng pagkaing “halal” para sa mga Muslim at pinagbabawal ang anumang grupo o organisasyon liban sa kanila na mag-bigay ng nasabing certification.

Hindi ba pangingialam ito ng estado sa relihiyong Islam?

(Islamic Da’Wah Council vs. Exec. Secretary, GR No. 153888, July, 9, 2003)

Sagutin ng mataimtim. Ang mag-google ay ipapako sa krus.


 

———

“I’m completely in favor of the separation of Church and State. My idea is that these two institutions screw us up enough on their own, so both of them together is certain death.” - George Carlin

{ 19 comments… read them below or add one }

Patrick April 24, 2011 at 8:42 pm

Happy Easter sa lahat

Reply

mile April 24, 2011 at 9:04 pm

kala ko dati simbahan lang nakikialam.. un pala pati state.

hay ang mga politiko takot sa mga religious leader dahil kelangan nila ang basbas o boto ng mga tao nito para sa eleksyon. =(

Tb kelan nyo pa po naging kakambal si phil younghusband?

Reply

sarah April 24, 2011 at 9:19 pm

Base! basa muna

Reply

promdi April 24, 2011 at 9:36 pm

gd evening ebribadiiii

Reply

rah April 24, 2011 at 10:39 pm

thanks for posting this. Review narin to sa Consti 1 :D

Reply

Ikeng Bato April 25, 2011 at 8:55 am

eloquently crafted… as always…

Reply

granger April 25, 2011 at 11:24 am

1. Mali, it violates free exercise clause.
2. Hindi, the funds utilized are not public funds.
3. Tama, there is no violation because what is commemorated is the event not the religion.
4. Hindi, OMA naman ang nagpapatupad.

Reply

AsOL April 25, 2011 at 11:34 am

1. Mali na sipain ang mga estudyanteng ayaw sumaludo o ilagay ang kanilang kamay sa kaliwang dibdib. Dapat tadyakan lang. Joke! Hehehe!

Syempre mali yun. Ayon nga sa constitution at sabi dito sa BPSMU “The free exercise and enjoyment of religious profession and worship, without discrimination or preference, shall forever be allowed. No religious test shall be required for the exercise of civil or political rights.”

So malinaw na nilabag nila ang batas na ito. Kaya naman mali ang ginawa nilang pagsipa dun sa mga estudyante.

2. Hindi. Dahil yung perang ginamit nila sa pagpapagawa ng imahe ay galing naman sa bulsa ng mga pribadong tao. Hindi naman ginamit ng barangay officials ang pondo ng kanilang barangay so walang paglabag ang barangay sa “separation of church and state.
3. Tingin ko wala namang masama o mali sa ginawa ng director ng Post office. Kasi di naman direktang nakinabang or nakinabang ang simbahan sa pagpapalabas ng selyo na yun. Di rin nman siguru yun nagpapakita ng pag panig ng director sa isang relihiyon bagkos eh nagpapakita lang yun ng pag galang at pagrespeto sa relihiyong Romano Katoliko. So I think walang mali sa ginawa ng director.
4. Kung ang mga namumuno sa OMA ay mga totoong muslim at kinikilala ng lahat ng muslim sa bansa bilang kanilang representante sa gobyerno siguru ok lang na sila mag decide kung ano yung mga pagkaing Halal. Pero kung mga di naman sila muslim eh anong right nila para mag decide kung ano ang pede at di pedeng kainin ng mga kapatid nating muslim.

(ngaun alam ko na kung bakit hanggang ngaun ang simbahan ng parokya namin eh di pa rin matapos tapos samantalang ang laki ng port barel ng congressman ng aming distrito at ang laki ng tax collection ng aming municipalidad yun pala di pedeng sila ang magpagawa ng simbahan namin dahil ipinagbabawal ng batas.

Now I know! ^_^

Reply

Raphnexx ang SEO na gustong mag Abogado April 25, 2011 at 1:06 pm

“Pinapayagan ng estado ang sinuman na sambahin ang gusto niya, kahit pa ang kakambal kong si Phil Younghusband, wala silang pakialam. ” hahahhaa super tawa mode ako dito jajajaja.ayos!

Reply

BON April 26, 2011 at 1:28 am

ang daming tanong, pero pamilyar ako sa sitwasyonb sa question #1 dahil may mga ka klase akong myembro ng ganyang relihiyon.. bawal nga din silang mag PMT, ROTC at kung ano ano pa.. dagdag yata dyan bawal din silang salinan ng dugo? =)

bakit nagdedeklara ng holiday pag may okasyong pangrelihiyon?

mahal na araw
pasko
undas
ramadan

bakit itinapat na walang pasok ang linggo? pwede namang lunes? o kaya huwebes o byernes?

bakit may “so help me God” pag may nanunumpa sa gobyerno.

bakit kalimitang may bibliya kasama ng philippine constitution pag may outh taking ang isang mataas na opisyal ng gobyerno.

bakit may humihingi ng solid support sa isang relihiyon pag may government election?

Reply

AsOL April 26, 2011 at 2:51 pm

Oo nga Sir Bon. My points ka jan. Points kasi marami. Plural baga. hehehe….

Reply

ikay April 27, 2011 at 7:59 pm

hmmmm…bon may puntos ka nga d2 sa mga katanungan mo…at nais ko lamang sagutin pero base lamang sa aking opinyon sana wag kang magagalit… ^__^

“bakit nagdedeklara ng holiday pag may okasyong pangrelihiyon?”
—-> Maaaring dahil na rin sa ito ay atin nang nakagawian, respeto sa tradisyong ating kinalakhan.
“bakit itinapat na walang pasok ang linggo? pwede namang lunes? o kaya huwebes o byernes?
—-> Dahil ito ang huling araw ng isang linggo?? ^__^
“bakit may “so help me God” pag may nanunumpa sa gobyerno”.
—–> Hindi nman siguro bawal humingi ng tulong sa DIYOS ang isang politiko?? ^__^
“bakit kalimitang may bibliya kasama ng philippine constitution pag may outh taking ang isang mataas na opisyal ng gobyerno”.
—->siguro para makonsensya syang gumawa ng masama???hehehe
“bakit may humihingi ng solid support sa isang relihiyon pag may government election?
—->optional nman ito di ba??

ito’y sariling opinion ko lng nman kaya sana wag ikainis…hehehe

Reply

Rob aka Tito Boy May 1, 2011 at 10:25 pm

Bon,

Good point.

Ang estado naniniwala sa Diyos, makikita yan sa bungad ng Preamble ng ating Saligang Batas:

“We, the sovereign Filipino people, imploring the aid of Almighty God”

Ang gusto lang ng Saligang Batas, walang pakialaman ang Simbahan at Estado.

Reply

BON May 4, 2011 at 12:41 am

thanks tito b! =)

Reply

marimar April 26, 2011 at 10:06 am

eh, tama nga lang ba na isama sa homily ang RH bill?

kung ibabase ko sa mga nakasulat sa taas, palagay ko wala naman nilabag ang church sa consti provisions na binanggit..

Reply

knorkyub April 28, 2011 at 4:24 pm

very substancial, dami matututunanan dito….nkakastress ang mga questions, kelangan talaga pag isipan ng mataimtim… ^_^

Reply

jongskie May 15, 2011 at 11:31 am

matagal akong nawala. paumanhin…

ang alam ko, natutunan ko ito sa Political Science ko nung kolehiyo ako , pero bakit di ko alam sagutin ang mga tanong?

LOL

Reply

Rob aka Tito Boy May 15, 2011 at 2:54 pm

Welcome back Jongskie, na-miss ka namin!

Reply

guhit July 6, 2011 at 8:23 pm

Magandang araw at gabi po sa lahat.
Ayon sa article 14 section 3 ng ating saligang batas..
At the option expressed in writing by the parents or guardians, religion shall be allowed to be taught to their children or wards in public elementary and high schools within the regular class hours by instructors designated or approved by the religious authorities of the religion to which the children or wards belong, without additional cost to the Government….

Bagamat walang dagdag na gastos mula sa pamahalaan, sa tingin ko po an ay inderektang makikinabang ang isang relihiyon sa aspetong ito. Ang kuryente, pasilidad, oras ay maaring nagamit sana sa ibang talakayan maliban sa relihiyon. Kalimitan ay mayroong di kaanib sa nakakaraming miyembro ng isang relihiyon sa isang lugar. Paano ang kanilang individual na karapatan na di sumangayon dito?

Reply

Leave a Comment

{ 1 trackback }

Previous post:

Next post: