NANONOOD AKO NG TV PATROL KAGABI at nasa balita ang mga kabataang nasasangkot sa krimen.
Pagsinabi kong bata, e talagang literal na bata sa edad 10-15 taong gulang.
Mangyari ay dumadami na ang mga batang nagiging pasaway at nakikipag-sabayan sa mga kuya-kuyahan nila pagdating sa rambulan, nakawan at minsan pa nga patayan.
“Iba na ang panahon ngayon, ‘di tulad ng dati,” ika nga nila.
Pero pano kung ang batas mismo ang parang nangungunsinti sa mga kabataan na gumawa ng kalokohan?
Ang tinutukoy ko ay ang bagong batas na Republic Act 9344 or Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
LUMANG BATAS: RPC
Bago pa ang RA9344 ay nakasaad sa Art. 12 ng Revised Penal Code (RPC) na ang batang edad siyam (9) at pababa ay walang pananagutang kriminal (exempt from criminal liability).
Ito ay absolute. Talagang wala silang kriminal na pananagutan. Kahit sabihin na natin na alam ng batang ‘yun ang kanyang ginawang krimen dahil isa siyang genius na may IQ na 150, at daig pa ang kahit sinong pulitiko sa bansa kung mag-isip ng kalokohan.
Nakalagay din sa RPC na ang batang nasa edad na siyam at hindi tataas sa edad na labin-lima (9-15 years old) ay ligtas din sa criminal liability pero dapat ay kumilos siya ng walang pag-intindi o “discernment”.
Kaya ang mga batang lumaki sa kalye at maagang namulat sa kriminalidad (Juvenile Delinquent) ay hindi ligtas at pihadong kalaboso ang bagsak dahil alam nating meron na silang discernment.
BAGONG BATAS: RA9344
Tulad ng sabi ni Jongskie ay marami ang amyenda ang ating batas. Kaya ipinasa ang RA9344 na nagbago sa probisyon ng RPC na nabanggit sa itaas.
Sa RA9344, ang mga batang nasangkot sa krimen ay hindi tinatawag na Juvenile Delinquent kundi Children in conflict with the law. At inusog na rin ang edad ng may criminal liability.
Ayon sa RA9344, ang batang may edad labin-lima (15) pababa ay exempt sa criminal liability kahit may discernment.
Biruin mo, ang batang may edad na kinse ay walang pananagutan sa krimen na kanyang ginawa. E may buhok na nga yan sa kili-kili at kung tutuusin ay kaya na ngang bumuntis ng batang na sa ganyang edad.
Hindi naman sa nilalahat ko, ngunit alam naman natin na maraming mga batang galing sa depressed areas na sangkot sa snatching, rape, holdap, etc., na nasa ganitong edad.
E pa’no pa kaya kung malaman nila na wala silang criminal liability?
BAWAL IKULONG
Dahil sa wala silang criminal liability, ang mga batang ito ay hindi dapat i-detain sa presinto kapag nahuli. Dapat ay ibalik agad sila sa kanilang mga magulang o kamag-anak.
Kung wala na silang mga magulang o kamag-anak ay ipapasa sila sa mga NGOs o sa DSWD at isasa-ilalim sa “intervention program“.
CONFIDENTIALITY OF RECORDS
Ang mga records ng mga batang nasangkot sa krimen ay dapat hindi ilabas sa publiko. Kaya parang walang nangyari.
Bukod sa hindi makakalaboso ang batang ito, ay malinis pa sa puting brief ang criminal records niya!
O diba ang sarap maging bata?
SINDIKATO
Eto ang mas nakaka-bahala, ginagamit na ngayon ng mga sindikato ang mga batang edad 15 pababa sa mga krimen dahil alam nila na kapag nahuli ito, ay hindi ito makukulong!
Kaya ‘wag ka magtataka kung meron kang mababalitaang mga bank robbers, hitman at arsonist na sangkot ay mga batang ganitong edad. Ginagamit na sila ng mga organisadong grupo at sinasamantala ang butas sa batas na ito.
Ayos ‘di ba?
Kaya siguraduhin niyong hindi mababasa ng mga pamangkin o anak ninyo ang post na ito, baka i-black mail pa kayo.
———————-
“Children today are tyrants. They contradict their parents, gobble their food, and tyrannize their teachers.” – Socrates


{ 20 comments… read them below or add one }
Base! Base! Base!
nakakalungkot at nakakabad-trip ang ganitong batas..eh kaya naman pala nagkalat sa mga intersections ang mga batang yan at malamang sindikato nga, yong mga nagbubukas ng pinto ng taxi, sabay kukunin ang naiipong pang-boundary at pang-Gas ng kawawang taxi driver..hahays…paano ba naiipasa ang mga ganitong batas? panyero bakit ganun? hahays. wala lang, nagtatanong lang. o alam ko naman ang sagot bakit ganun.
salamat ulit. bagong lesson ito.
hays, masaya din naman ang buhay sa youth rehabilitation. ^^ di po ba dun ang bagsak ng mga batang nasangkot sa kung ano anong kaso at pagdating nila ng tamang edad at base nadin sa rekomendasyon ng mga social worker maibababalik sila sa malayang lipunan or kaya naman sa mga pamilya nila kung mayron man..
** naalala ko lang kasi ilang daang pages na yata ang na itype ko nayan sa computer para sa mga recomendations, nag volunteer sa isang regional youth rehabilitation center.^^
Napanson niyo ba ang malupit kong blogroll with image pa? pinagpaguran ko yan haha
@ Batangmangyan, ang tsismis ay kaya ipinasa ito ay kailangan natin magpasikat sa UNICEF, ewan ko kung bakit, hehe.
@Boni, alam ko dun ang bagsak ng bata for “intervention program”. Di ko alam ano ginagawa doon.
Nag-volunteer ka pala sa ganon, ayos ba dun?
@batang mangyan: uy, may nakita kaming ganyan, mga bata na nagbubukas ng pinto ng taxi tapos kukunin yung wallet ng taxi driver.
Marami nyan sa may NLEX, humihithit pa ng rugby.
badtrip yung mga batang ginagamit ng mga sindikato kasi nga may ganitong batas. naalala ko tuloy si Santino…..
Napanood ko rin yan kagabi.. sa 24 oras… ( wala kaming channel 2 dito… channel 7 lang..heheh) ininterview iyong isang pulis doon na dumating, ang sabi kahit mahuli naman daw nila un…dadalhin lang sa DSWD tapos papakawalan uli….ganun na naman ang gagawin kaya malakas daw ang Loob nang mga bata…
Mangbabato sila nang bato sa mga sasakyan, walang kriminal liability eh kung nabangga ang sasakyan….patay ang nasa loob…. walang mananagot dahil menor de edad…
“Kabataan ang Pag-asa nang Bayan” parang medyo conflict na sa ngayon o conflict na talaga.
Nasan iyong batas nang Bagansya… dapat 10pm palang wala nang bata sa lansangan, 2am gising pa iyong mga bata nagrarambolan…
At isa pa… dapat panagutin ang magulang sa ganyang kaso na menor de edad pa…bakit nila pinapayagang nasa kalye pa….
Paano mapapangalagaan ang kabataan kung ang Batas mismo ay conflict sa interes nang kabataan… paano sila titino at matuturuan nang leksyon kung patuloy na walang magdidisiplina sa kanila…
Napahaba yata ang mensahe ko… heheh…
Bigyan lang sila nang tamang pag-aaruga at pag mamahal hindi sila magkakaganyan…..
Salamat sa bagong lesson…..
Kung magpapatuloy ang kahirapan sa bansa na kahit ang mga pangunahing pangangailangan ay kailangan pang magbuwis ng buhay ay hindi masosolusyunan ang ganito. Patuloy na lumalaki ang agwat ng mayaman at mahirap sa bansa kaya hindi na sorpresa na magkaroon ng ganitong sitwasyon. Maraming mga kumapanya ang pilit na nilalason ang mga isipan ng mga tao sa mga pinapalabas nila sa TV, pilit na pinapaniwala na ang isang bagay ang siyang kasagutana o tama sa karamihan, hindi man lang isinaalang-alang ang kapakanan ng mga karaniwang tao na kulang sa kaalaman. Kapag hindi binigyan ng pansin ang kamangmangan ng mga tao ay magpapatuloy at lalala pa ang ganitong eksena. Marami pa tayong mapapanood na ganito.
Hindi lang kagabi pinalabas ito noong mga nakaraang linggo pa, nagbabatuhan na sila sa kalye. Kagabi ang pangalawang beses na nakuhanan ng media, pero ilang beses na ba ang nangyaring ganito? Sana may gumawa ng dokumentaryo para mapanood naman. Poverty is entertainment daw kasi.
@xtremus & ferdz
Nagagalak ako at dahil mga kritikal mag-isip ang mga readers ng blog na ito hehe.
Gusto ko ang mga ganyang talastasan, at sa maniwala kayo e marami rin akong natututunan sa mga comments ninyo.
Ang batas sa punto de bista ng mga ordinaryong tao at hindi ng isang abugado. Dahil ang batas ay ginawa para sa tao at hindi para pag-aralan lang sa lawskul.
Mabuhay kayo!
@tito boy : napansin ko
ang galing-galing nga eh.. sana eh matuto din ako.. hahah
@jongskie, napansin pala (nabulol pako). May html code ako dito if gusto mo lang naman gayahin para sa sidebar mo hehe..
cge cge
email mo sa kin ha.. pati yung instructions… hahahaha
Oo nga poh.daming batang pasaway ngayon.spoiled brat.hindi gaya nun na takutin mo lang ng katakutan.hindi na lalabas ng bahay.ngayon iba na..
Astig tlga si atty oh..web designer na rin.may alam na rin sa html code.bka magulat rin tayo magtuturo rin sya ng web design.hehe
tanong lang atty.merun na bang batas about sa computer hacking dito sa pinas?
Now we won’t be blaming gta 4 and all first person shooting pc games. Columbine-ish act we may think? ^_^
@Digital Dreamspace thanks for the visit. Dapat mag gta 4 na nga lang ang mga kabataan keso sumali sa abu sayaf.
@onesounddrum, isang trick lang sa yan na natutunan ko, gamit ang “new post” editor ng wordpress hehe. Mukhang maganda ang tanong mo hmmm…sa susunod na post!
@jongskie maya post ko dito yung code hehe..
matanong ko lang atty. kung exempt from criminal liability ang batang edad 15 pababa at di pedeng makulong, papano naman ang karampatang civil liability arising from criminal offenses? tuluyan na rin ba itong naglahong parang bula?
samakatwid, kung ginahasa ng 15 anyos na bata ang anak ng isang magulang ay walang hustisya na aasahan para sa kanyang anak na ang edad naman ay 12 anyos pababa na kung tutuusin ay statutory rape (aggravating circumstances pa yan) na may parusang (kundi ako nagkakamali) ay reclusion perpetua at may karampatang moral, civil and exemplary damages (plus attorney’s fees) na nakaatang karagdagan sa pagkakabilanggo ng salarin.
follow-up question: pede mo bang patayin ang batang salarin na ito (defense of a relative) dahil malinaw pa sa kintab ng ulo ng kalbo ang ginagawang kahayukan na iyong nasaksihan at malinaw rin na merong unlawful aggression at cgurado ako na there is no sufficient provocation dito (alangan naman cge cge reypin mo ko….ano ano …wala ka pla eh he he) at aggravating din ito (rape witnessed by a relative)
@granger, syempre may civil liability ang parents or guardian ng bata. Criminal liability lang ang wala. At tama ka, civil code ang bahala diyan.
Sa follow-up question mo, basahin mo ang article 247 ng RPC at dun mo makikita ang sagot. Kapag defense of a relative ang ginamit dapat pasok pa rin ang 3 circumstances: unlawful agression, reasonable necessity, lack of provocation, bago mawalan ng criminal liability ang pumatay.
Ang tanong dyan, reasonable necessity pa ba ang pagpatay? E pano kung tumakbo na ang rapist at hinabol pa rin at tinaga ng walang kalaban-laban? Sa next post na yan. Isa-isa lang, mahina ang kalaban
nadala ako ng emosyon he he
pano naman kung theft and there is exemption from criminal liability, papasok ba ang kodigo sibil sa remedyo para sa biktima? tulad ng pagsasauli ng ninakaw (restitusyon) plus indemnification or kung di na masauli pagbabayad ng halaga katumbas ng ninakaw plus indemnification?
he he he kagaya ng tinaga na pulis ayon sa kwento
isa palang batas ito na inamendahan para lang lumala at magkaroon ng maraming loopholes. ok sana ang batas na ito, nung mga unang panahon, pero sa kasalukuyan, isang malaking kamalian.
marami talagang bata na ginamit ngayon at victima sa ating governong corrupt, na hindi nila binigyan nang priority ang problemang itong dumadaming mga CICL ngayon at bukas… NGO worker ako.
{ 1 trackback }