HIGH AND DRY

by Tito Boy on February 21, 2011

Wala ka sa Ilocos Cong, yaki ka ngayon!

Uso ngayon ang topic tungkol sa droga, mapa-kongresistang matigas ang mukha at ayaw bitiwan ang pwesto kahit umamin nang durugista o kawawang (o tangang?) kababayan na pumapayag na maging drug mule sa ibang bansa ay dawit dito.

Patungkol sa kongresista, wala akong pakialam sa kanya kung mabulok siya sa kulungan. Pero sa mga kababayan nating nahaharap ngayon sa parusang bitay, tama ba na luwagan ng ibang bansa ang mahigpit nilang batas laban sa droga? Bakit kaya hindi natin tingnan ang ating batas patungkol dito para malaman naitin kung kasing higpit ba ito ng iba?

Dito papasok ang RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.

IMPORTATION

Sa RA 9165, dalawang bagay ang pinagbabawal: ito ang mismong droga o “dangerous drugs” at ang mga materyales o sangkap sa paggawa ng droga o tinawatawag na “controlled precursors.

Sino mang mahulihang mag-import o magdala ng droga sa loob ng Pilipinas, kahit anong timbang o uri ay habang buhay na makukulong at pagmumultahin ng P500,000 hanggang  P10 milyon.

Dati ay parusang kamatayan ang pinapataw, ngunit alam natin  na tinaggal na ito at ginawang life imprisonment (kaya hindi nababawasan ang mga drug lords at drug dealers sa atin).

Kasama rin dito ang pagbabawal sa pag-import ng opium poppy na inilalagay sa mga mamahaling cake at kahit sabihing gagamitin lang ito bilang display o aalagaan kasama ang iyong mga orchids sa bakuran (for floral, decorative and culinary purposes).

SALE, TRADING, DISTRIBUTION

Kung nakapasok na ang droga sa bansa at ibinenta dito, parusang habambuhay na pagkakulong din at multang P500,000 – P10 milyon regardless of quantity and purity. Kahit may halong tawas pa yan at kasing liit lang ng butil ng bigas, pareho lang ang parusa.

Pinakamataas na parusa rin ang tatanggapin ng:

1)   Namumuhunan o financier ng pagbebenta ng droga  o controlled precursor

2) Drug pusher na nagbebenta ng droga o controlled precursor sa loob ng 100 metro ng paaralan

3)   Drug Pusher na gumagamit ng mga bata o taong may kulang sa pag-iisip bilang runners, couriers, messengers.

Parusang 12 hanggang 20 taon at multang P100,000-P500,000 naman ang aabutin ng nagbebenta ng mga controlled precursor at mga protector/coddler ng ganitong transaksyon.

MAINTENANCE OF DEN, DIVE OR RESORT

Hindi lamang mga nag-import at nagbenta ng droga ang makakatanggap ng pinakamataas na parusa sa RA9165. Ang mga taong nag-memaintain ng den, dive o resort para gamiting bentahan at hithitan ng droga, mula  sa mga mamahaling Bar sa Fort Bonifacio sa Taguig hanggang sa squatters area sa Tondo at shabu tiangge sa Pasig.

Ang mga empleyado ng Den, Dive o Resort na alam na pugad ng mga drug pushers at drug addicts ang gusali ay paparusahan ng 12 hanggang 20 taon na pagkakakulong at multang P100,000-P500,000.

MANUFACTURING

Kung mahirap mag-import ng droga, syempre gumawa na lang sa loob ng mga subdivisions ng Paranaque at Las Pinas. Ang paggawa ng droga ay makakatanggap din ng pinakamataas na parusang life imprisonment at multang P500,000-P10 milyon.

Kung may nakitang controlled precursors at essential chemicals sa loob ng gusali, ito ay prima facie proof o paunang katunayan na isa itong factory o pagawaan ng droga. Aggravated pa ang parusa kung ang pagawaan ng droga ay:

1)   Gumagamit ng menor de edad

2)   Nasa loob ng 100 metro mula sa residential, business premises, simbahan o paaralan.

3)   May mga dibdib ng babae sa loob ng gusali o booby traps (ahihi)

4)   Tinatago ang paggawaan ng droga sa isang lehitimo at legal na negosyo tulad ng mga kulasisi at massage parlors sa Quezon Avenue na may Mayor’s Permit at kaukulang papeles.

5)   Kapag may lisensyadong chemical engineer, public official at foreigner pa sa loob (sosyal!)

APPARATUS AND OTHER PARAPHERNALIA

Bukod sa droga at controlled precursor pinagbabawal din ng RA 9165 ang pagdala, pabenta ang mga tooter, inhaler, bong, straw, puno ng kawayan o ano pang mga bagay  na ginagamit upang hithitin at tirahin ang droga na pinapadaan sa ilong, gilagid, ugat sa bisig o sa pwet (aw!)

May parusang kulong mula 6 na buwan hanggang 4 na taon at multang P10,000-P50,000 ang sinumang nahulihan ng mga apparatus o paraphernalia sa droga.

POSSESSION

At syempre hindi mawawala ang pagdadala o possession ng droga. Ayon sa RA 9165, ang pagdadala ng:

Opium, Ecstasy atbp.

a) 10 gramo o higit pa ng opium, morphine, heroin, cocaine, marijuana resin/resin oil, methylenedioxymethamphetamine o MDMA, ang paborito ng mga durugista sa Fort na ecstacy,  paramethoxyamphetamine (PMA), trimethoxyamphetamine (TMA), lysergic acid diethylamine (LSD), gamma hydroxybutyrate (GHB) o higit pa ay may parusang life imprisonment at multang P500,000-P10 milyon

b) 10-5 gramo = Life hanggang 20 years imprisonment plus P500,000-P400,000 fine

c) 5 – less gramo ng shabu = 12 hanggang 20 pagkakakulong at P400,000-P300,000 multa

Kasama dito ang mga bagong droga na kahalintulad (similarly designed) o hango sa mga ito (their derivatives) na walang therapeutic value (tulad ng mga binebentang at nagkalat na herbal medicine) na hindi man lang ginagamit na gamot kahit sa pigsa.

Shabu

Para sa pambansang droga, ang pagdadala ng:

a) 50 gramo ng shabu o higit pa = life imprisonment at multang P500,000-P10 milyon

b) 49-10 gramo = life imprisonment din ang parusa ngunit mas mababa ang multa na P400,000-P500,000 (aba discounted pa)

c) 10-5 gramo ng shabu = Life hanggang 20 years imprisonment plus P500,000-P400,000 fine

d) 5 – less gramo ng shabu = 12 hanggang 20 pagkakakulong at P400,000-P300,000 multa

Mary Jane

Para sa mga vegetarian, environmentalists at beach bums ang pagdadala ng:

a) 500 gramo ng marijuana o higit pa

b) 499-300 gramo ng marijuana = Life hanggang 20 years imprisonment plus P500,000-P400,000 fine

c) 300 or less gramo ng marijuana = 12 hanggang 20 pagkakakulong at P400,000-P300,000 multa (kayang-kayang bunuin!)

Huwag niyo na ring balakin at pangarapin ang mag-alaga ng marijuana o opium sa paso dahil ang pinakataas na parusa ang aabutin ninyo, kahit ba isang dahon lang yan dahil iniihian lagi ng alagang aso kaya ayaw lumago.

USE OF DRUGS

Ano pa ba ang silbi ng droga kung hindi gagamitin? Pwera na lang kung gagamitin mo siya bilang tawas at ipapahid sa kili-kili.

Ayon sa RA 9165 ang sino mang mahuli o maaresto at lumabas na positibo sa paggamit ng tawas este droga ay paparusahan ng:

1)   1st offense – 6 buwan na rehab

2)   2nd offense – 6 hanggang 12 taon na bilanggo at P50,000-P200,000 multa

Kung ang akusado ay nahulihan din na nagdadala ng droga ang parusa sa possession ang mag-a-apply.

PLANTING OF EVIDENCE

Ang mga pulis o otoridad na mapatunayang magtatanim ng droga sa mga mahuhuli nila para mangotong ay paparusahan din habang-buhay na pagkakakulong.

NO PLEA BARGAINING, NO PROBATION

Hindi maaring pumasok sa Plea Bargaining ang gobyerno ayon sa RA 9165 at dapat tuluyan ang mga drug lords at drug dealers. Pwera na lang kung ang Ombudsman ang hahawak ng kasong plunder laban sa mga general ng AFP (teka tapos na pala ang topic na ito).

Ngayon, alam na nating mahigpit din pala ang batas natin laban sa droga, ang tanong, handa ka rin bang ibaba natin ang parusa laban sa mga dayuhang nagpapasok ng pinagbabawal na gamot sa ating bayan na maaring sumira sa lipunan?


 

———-

“The basic thing nobody asks is why do people take drugs of any sort? Why do we have these accessories to normal living to live? I mean, is there something wrong with society that’s making us so pressurized, that we cannot live without guarding ourselves against it?” – John Lennon

{ 16 comments… read them below or add one }

BM February 21, 2011 at 12:05 am

BASA muna!

Reply

TARAGIS February 21, 2011 at 12:06 am

hahaha nauna! ang bilis ni BM
2nd base!!

Reply

TARAGIS February 21, 2011 at 12:13 am

wow kasama ang fort bonifacio, napag isip tuloy ako dun! pwede at posible talaga mga big time ang parukyano, hindi pansinin kase nga susyal at pang mayaman ang lugar! sana masama yan sa mga na re raid at hindi puro ung squaters at small time lang,

si congressman kapalmuks! lakas pa ng loob na humarap sa camera!!

Reply

BM February 21, 2011 at 12:33 am

mahirap ang tanong parang ‘sing hirap ng paghinto sa paggamit ng droga pag-adik na adik lang hahaha. ang batas eh batas at dapat hindi naaantig o nababago, otherwise aabusuhin lang. tapang lang kunyare haha!

Reply

callboy February 21, 2011 at 2:20 am

Kung mahigpit na nga ang batas eh may nakakalusot pa, eh di mas lalo kapag ibababa natin ang parusa. Ang napapansin ko lang po Tito Boy, yung mga small time lang naman po ang nahuhuli. Kasi po yung mga BIG TIME, supportado din ng mga kinauukulan. Hayan na nga po si kagalang galang na Congressman, sa ibang bansa pa natimbog kasi hindi sya kaya huliin dito sa Pinas kasi BIG TIME sya dito.

Ganun din po sa ating trafic rules and regulations, Kung wala kang kakilala na BIGFISH sa PNP o sa LTO, wala kang ibang choice kundi mangutong na lang para maka-discount. Kawawa naman po si Juan dela Cruz.

Reply

Raphnexx ang SEO na gustong mag Abogado February 21, 2011 at 8:31 am

I think we should also consider the sovereignty of other countries, so that they can’t ask back the same favor from us.The blatant transport of drugs in their country is very conclusive.

Reply

futuredaddy February 21, 2011 at 5:15 pm

Hi, Atty! It’s been a long time na di ako nakapasyal sa site niyo.:(
In my opinion atty., dapat ay hindi na natin kailangan pang ibaba ang penalty laban sa mga dayuhan..mahirap kasi na maging lenient tayo lalo pa sa mga ganitong krimen. Kumbaga, mas relax na nga nag batas natin kasi “life imprisonment” na at hindi “death penalty” ang pinakamabigat na parusa. Sa tingin ko naman pwedeng ibalik ang death penalty lalo na sa mga krimen na ganito..ito amg sumisira sa mga pangarap ng kabataan, pamilya, pagkakaibigan, at pangarap ng mga magulang sa kanilang anak.
Sa muli, salamat atty at mayroon kang ganitong makabuluhang talakayan.:)

Reply

mile February 21, 2011 at 6:16 pm

to set an example dapat tuluyan na. yes life un kukunin kaso mas maraming masisirang buhay pag hindi pinigilan ang mga drug courier. sabi ni Ang-See ng chinese community dapat ituloy para hindi na pamarisan at ung mga chinese national na nahuhuli ay ganun din ang dapat gawin ng govt ng pilipinas.

pagkakaalam ko ung na convict ng death penalty ay inamin nila pagkakamali at madaming beses na daw nanyari un. un ang pinili nilang landas dapat ready sila kung anot anuman ang kahihinatnan.

nakiusap nga ung prime ng great britain dahil bibitayin ung britano hindi pinayagan.. ung pilipinas though wala pa naman sinasabi na hindi itutuloy execution pero malamang may hihingin na kapalit un. kawawa nanaman pilipinas. malalagay nanaman tayo sa alanganin nito

Reply

AsOL February 22, 2011 at 1:05 pm

Parang dota lang yan. At the time na hinayaan mong mang back door push yung isang team na alam mong labag sa rules, asahan mo na yung kabilng team eh mang baback door na din.

parang yung sikat na kasabihan na

“DON’T DO UNTO OTHERS WHAT YOU DON’T WANT OTHERS DO UNTO YOU ..”

Reply

joven March 2, 2011 at 12:47 pm

wow kala ko habang buhay yun parusa sa marijuana kahit ganu kadame.hehehe bagong kaalaman n naman to. ^_^

Reply

sarah March 8, 2011 at 11:22 am

parang may kamuka si Simpson sa picture…

Reply

puyat lagi March 27, 2011 at 2:45 am

sana atty. may batas tau, kung ang dayuhan ang magkakasala ung applicable law dapat ipataw sa kanila, ung ayon sa kanilang bansa for the same offense ….katulad ng droga kung bitay sa kanila , bitay din dito sa atin ang hatol…. NATIONALITY RULE.. ikanga….

Reply

mhie April 16, 2011 at 2:19 pm

madandang araw po uli!
question po!
panu po kung nahulihan ng wala pang 1gram(0.5grams) na shabu tama po ba na lifetime ang sentensya? kc po pusher daw ang inakusaha ng mga humuling pulis! nakuha po ung shabu sa bulsa ng pantalon nya. tama din po ba akusahan sya bilang pusher?
thank you po!

Reply

granger April 18, 2011 at 1:05 pm

If possession only, this is the penalty.

(3) Imprisonment of twelve (12) years and one (1) day to twenty (20) years and a fine ranging from Three hundred thousand pesos (P300,000.00) to Four hundred thousand pesos (P400,000.00), if the quantities of dangerous drugs are less than five (5) grams of opium, morphine, heroin, cocaine or cocaine hydrochloride, marijuana resin or marijuana resin oil, methamphetamine hydrochloride or “shabu”, or other dangerous drugs such as, but not limited to, MDMA or “ecstasy”, PMA, TMA, LSD, GHB, and those similarly designed or newly introduced drugs and their derivatives, without having any therapeutic value or if the quantity possessed is far beyond therapeutic requirements; or less than three hundred (300) grams of marijuana.

Reply

granger April 18, 2011 at 1:07 pm

If apprehended in a buy-bust operation, see below.

Section 5. Sale, Trading, Administration, Dispensation, Delivery, Distribution and Transportation of Dangerous Drugs and/or Controlled Precursors and Essential Chemicals. – The penalty of life imprisonment to death and a fine ranging from Five hundred thousand pesos (P500,000.00) to Ten million pesos (P10,000,000.00) shall be imposed upon any person, who, unless authorized by law, shall sell, trade, administer, dispense, deliver, give away to another, distribute dispatch in transit or transport any dangerous drug, including any and all species of opium poppy regardless of the quantity and purity involved, or shall act as a broker in any of such transactions.

Reply

mhie April 19, 2011 at 9:24 am

thank you po!
and god bless!

Reply

Leave a Comment

Previous post:

Next post: