“Pssstt…”
“Gusto mo ng Iphone?”
“Orig ‘to, hindi peke na galing sa China”
“Limang libo lang (P5,000.)”
“Wala nga lang charger, pero mura lang naman yun.”
“Ipa-ayos mo na rin sa technician, naka-block eh.”
Matapos tignan ang loob, lumaki ang mata mo at napangiti.
“Orig nga =)” sabi sa sarili.
“May konting gasgas eh, P4,500 na lang.”
“O sige, bahala ka.”
Kung ikaw ang inaalok ng ganito, papayag ka ba?
Siguro iisipin mo, “hindi naman ako ang nagnakaw eh”, kaya sa tingin mo ay wala kang pananagutan.
E, paano kung natunton ng may-ari ang kanyang Iphone na hawak mo, ngunit wala siyang patunay na ikaw yung ungas na snatcher na humablot ng Iphone habang naglalakad siya sa Recto?
Ano ang kaso mo?
Violation ng PD 1612 or Anti-fencing Law of 1979.
Ang “fencing” ay ang pagbili, pagtago, pagtanggap, at pagbenta (buy, receive, possess, keep, acquire, conceal, sell or dispose) ng bagay na alam niyang galing sa nakaw.
ELEMENTS OF FENCING
Para makalaboso sa kasong anti-fencing dapat lahat ng ito ay mapatunayan:
1) A crime of robbery or theft has been committed.
Syempre para masabing galing sa nakaw ang isang bagay, dapat may nakawan na nangyari. Kaya dapat ay iniulat sa pulis ng may-ari ng bagay na ninakaw ito.
Kaya tulad ng pagsisipilyo, ugaliing magpa-blotter sa pinakamalapit na police station kapag na-hold-up o nanakawan, dahil kapag natunton ang bagay na nanakaw, makakasuhan ng Anti-Fencing ang taong nakabili nito.
2) Ang akusado ay hindi principal o accomplice sa kasong pagnanakaw (robbery or theft) ngunit siya ay bumili, tumanggap, nagbenta o nagtago ng bagay na alam niya na galing sa nakaw.
3) Alam ng akusado na ang bagay na binili, tinangap, binenta o tinago ay galing sa nakaw.
Presumption of Fencing
Dati-rati ay kasong accessories lang sa krimeng robbery o theft ay isinasampa sa mga taong bumibili ng gamit na nakaw. Kung titingnan, mahina ang parusa sa kanila pero sila naman talaga ang nakikinabang sa bagay na ninakaw.
Kaya ipinalawig ni Marcos ang Anti-Fencing Law na mas mataas ang parusa at mas mahirap lusutan.
Sa PD 1612, mere possession o basta mahuli na nasa kamay o kustudiya ng akusado ang nakaw na bagay, kabit siya agad. Ang akusado ang dapat na magpapatunay na hindi niya alam na nakaw pala ang mga ito.
Kasi nga naman, madali lang sabihin na napulot lang kung saan ang bagay na nakaw at lusot na agad. Kaya pinahigpit ito sa PD 1612. (Ganyan ang nangyayari kung matalino ang gumawa ng batas, hindi tulad ng mga mambabatas ngayon)
4) Nais ng akusado na mapasakanya ang bagay na nakaw o tinatawag na “intent to gain”
Dahil nga na may presumption na alam ng akusado na galing sa nakaw ang bagay na nasa kanyang kustodiya o hawak, hindi na rin kailangan na ipakita na binili niya ito mismo sa magnanakaw. In short, presumed na rin ang intent to gain.
Basta nahuling hawak niya ang bagay na nakaw, sa korte na lang siya magpaliwanag.
PARUSA
Ang parusa ng PD 1612 ay depende sa halaga ng bagaw na ninakaw:
| Halaga ng ninakaw | Parusa |
| > P22,000 | 10-12 yrs na kalaboso + 1 yr for every P10,000 |
| P12,000 – P22,000 | 6-10 yrs na date sa lider ng sigue-sigue sputnik |
| P6,000 – P12,000 | 2-6 yrs na himas sa rehas |
| P200 – P6,000 | 6 months – 4 yrs & 2 months na kulong |
| P50 – P200 | 2 months – 2 yrs & 4 months na pagtuwad sa selda |
| P5-P50 | 2 months – 4 months, (payo ko, bayaran mo na lang ang nagrereklamo) |
| <P5 | 1 month – 2 months, (kaya huwag magnakaw ng chiclet!) |
PERMIT/CLEARANCE FROM THE PNP
Para makasiguradong hindi nakaw ang bibilhin mong bagay sa mga unlicensed dealer, ay humingi ka ng clearance o permit sa mga Station Commander ng PNP. Para kung may aangking sa bagay na nabili at ito ay nakaw, lusot ka agad.
Yun lang. Tapos na ang blog entry na ‘to.
———–
“He who holds the ladder is as bad as the thief”
- German Proverbs
Sources: Presidential Decree 1612; Dunlao, Sr. vs. Court of Appeals, et al G.R. 111343, August 22, 1996; Capili vs. Court of Appeals, G.R. 139250, August 15, 2000; Tan vs. People, G.R. 134298, August 26, 1999.
Bago pala magkalimutan, eto pala ang sagot sa “Yari Ka!” entry:
1) Kulong si Sergio sa pagpatay kay PO1 Flores.
Napag-alaman na binago ni Sergio ang katawan ng bangkay para palabasin na nahuli niyang ginagahasa ang kanyang asawa.
At saka ang Art. 247 ng RPC ay tungkol sa pagkahuli sa asawang nakikipagtalik sa iba. Dito hindi naman nangangaliwa ang asawa ni Sergio kundi pinagsamantalahan “daw” ng pulis.
See link: http://sc.judiciary.gov.ph/jurisprudence/1998/jul1998/108491.htm
2) Kulong si Marciano sa pagpatay sa asawang si Sixta.
Kasi daw, hindi ibig sabihin na kapag nakita mo ang asawa mong tumayo kasama ang lalake na nagbubutones ng pantalon ay nagtatalik na sila. Malay mo nag-ja-jack stone lang diba?
Dapat daw makita mismo na nagtatalik, hindi nagja-jackstone bago patayin jejeje.
See link: http://www.lawphil.net/judjuris/juri1939/oct1939/gr_l-46310_1939.html
3) Dahil na Wow Mali si Tereso, e Wow Mali rin siya kulungan sa pagpatay sa kawawang mag-asawang Manuel at Loreta na akala niyang si Felisima na kanyang asawa at kabit nitong si Delfin.
Una, pinahintulutan ni Tereso na maghanap ng iba ang kanyang asawa. Pangalawa, nagpadalos-dalos siya sa pamamaril na hindi man lang inalam kung sino ang mga iyon.
See link: http://www.lawphil.net/judjuris/juri1941/apr1941/gr_l-47315_1941.html
4) Maniwala ka’t sa hindi, abswelto si Francisco kahit pinagtatadtad na niya ng bala si Khingsley isang (1) oras ang lumipas nang nahuli niya itong nakikipagtalik sa kanyang asawang si Jenny.
Ang katagang “shall kill any of them or both of them . . . immediately” ng Art. 247 ng RPC ay hindi daw ibig sabihin agad-agad. Sa kasong ito, medyo madilim parin daw ang paningin ni Francisco dahil sa pagkakahuli sa kanyang asawa at kabit nito na nagtatalik kaya pasok parin ito sa Art. 247 ng RPC.
Pero sabit si Francisco sa kasong less serious physical injuries through simple imprudence or negligence dahil nadamay ang mga sugarol, ngunit halos anim na buwang kulong lang. Sulit na rin.
See link: http://www.lawphil.net/judjuris/juri1987/sep1987/gr_74433_1987.html
5) Kulong si Aurelio sa pagpatay sa asawang si Marianita at kinakasama nitong si Lito.
Kasi noong nadatnan daw ni Aurelio ang dalawa ay nakakumot daw kaya hindi talaga niya nakitang nag-jerjer ang asawa niyang si Marianita at si Lito.
“Considering that Marianita Cabalhin and Rolito Saldivia were covered with blanket from shoulders to feet, it is impossible for the accused to see their exact position which he described in detail and what they were doing.”
Kaya dapat, tanggalin muna ang kumot bago patayin para makasigurado.
See link: http://www.lawphil.net/judjuris/juri1994/mar1994/gr_l_100204_1994.html
Musta naman sagot mo?


{ 11 comments… read them below or add one }
e magkano naman ang bayad sa station commander para sa clearance?
and paano naman din malaman ng pulis na hindi nga nakaw yung binibili mo?
and, gaano naman kabilis makuha ang clearance?
parang may balak bumili ng nakaw.
pahabol, e kung may kulong na, magbabayad pa ba o isosoli pa ang ninakaw?
o di naman kaya, pag binayaran na ang ninakaw, may kulong pa?
pag walang blotter sa police station lusot na yun
yes, imprisonment plus restitution or reparation if the former is no longer possible
pag binayaran ang ninakaw, kulong pa rin because it will not extinguish your criminal liability for the crime committed, di naman for sale yan, ninakaw yan
pero kung magkasundo kayo ng complainant nasa kanya na yun
Sad to say, nakabili ako ng GSM noon pagkatapos kong manakawan ng telepono.
Pero dahil isa pa akong clueless college girl noon e hindi ko alam na GSM pala siya. 5110 yun at nabili ko sa Aranque market ng 1,500. Bigla na lang nawalan ng signal at nung nireklamo ko sa Globe ay nireport daw na nakaw yung phone kaya nila blinock. Anyway, buti na lang ay naawa ang nanay ko at binili na ako ng bonggang bonggang 3210 at wa ko na alam kung anong nangyari sa GSM na 5110.
Sa Faura, noong ginagawa pa lang ang Robinson’s Place Manila, may enclosed walkway papunta sa mall. Ilang beses na may mamang tumatambay doon at nag-aalok ng relo sa aming mga estudyante. Of course GSM din yun pero di ako bumili hehe.
Sa greenhills kaya, malamang may nagbebenta rin doon na mga snatchers, kaso malabong mapatunayan na GSM yung mga binebenta nila
got 3 out of 5 in yari ka, mali ako sa kakabar lang at sa kumot
kawawa naman po si Aurelio..obvious naman na nagjejerjer yung 2 kung nasa kama at nakakumot diba?..alangan naman pong nagjajack en poy lang yun..may pagkaunfair din ha…
inaugaration na! simula na ng bagong gobyerno eh sana naman ma amyendahan ang mga ilan sa ating lumang lumangggggg batas haha! ang laki ng parusa ng 5pesos na nakaw hahaha taragis!!
maiba ako panyero…malamang ‘yong perang ginastos sa marangyang hapunan eh GSM din…at may clearance kaya lusot waaaaaah!
Yung pinsan ko bumili ng GSM sa Aranque area. Paglabas nya naholdap ulit sya. hehehe
Digital na talaga ang karma.
Alam kong maaring parusahan ang mga tumatangkilik ng nakaw na paninda pero ‘di ko akalaing ganyan pala ang mga parusa. 2-6 years para sa halangang 6-12,000. wow! Sana mahuli ‘yung buwisit na nangnakaw sa akin noon. Pinagkatiwalaan kong pumasok sa bahay, kaso kasama niyang umalis ang cellphone at wallet ko.
may batas ba na pag sa merkado mo nabili ang nakaw na gamit ay ayos lang? sa LAw on sales?
kung isurrender mo sa police station nabiling nakaw, abswelto na ba sa kaso?
{ 1 trackback }