WHAT’S UP DOC?

by Tito Boy on July 25, 2010

"Doc, kulang ata yung..." "Can't you see nurse that I'm Busy"

Ika-4 ng Abril taong 1984, si Natividad ay sinugod sa Medical City Hospital dahil sa hirap sa pagdumi at pagdurugo ng kanyang pwet.

Matapos ng ilang sunod-sunod na medical examinations, napag-alaman na si Natividad pala ay may “cancer of the sigmoid” (ang sigmoid ay parte ng ating malaking bituka – Manay Cristy). Matapos humingi ng paalam sa kanyang mga kapamilya ay nagsagawa ng operasyon ang kanyang doktor na si Dr. Miguel Ampil.

Si Dr. Juan Fuentes ang nagsagawa ng hysterectomy kay Natividad at tinapos ni Dr. Ampil ang operasyon at sinarado ang hiwa.

Matapos ang operasyon ay pina-uwi na si Natividad matapos magbayad ng halagang Php60,000.00 sa Medical City noong ika-24 ng Abril 1984.

Ilang araw ang lumipas ay nagreklamo ng matinding pananakit si Natividad sa kanyang likuran at nang isangguni kay Dr. Ampil at Dr. Fuentes, sabi sa kanya na natural lang daw ang mga ito.

Ika-9 ng Mayo 1984, napilitang pumunta sa Estados Unidos si Natividad kasama ang kanyang asawa upang magpatingin. Apat na buwan ang lumipas ay dineklarang wala nang cancer si Natividad at sila ay umuwi na dito sa Pilipinas.

Pagbalik dito sa bansa ay patuloy pa rin ang pananakit na kanyang nararamdaman hanggang sa may nakita ang kanyang anak na isang piraso ng gasa (gauze) sa ari ni Natividad.

Tinawagan nila si Dr. Ampil at agad naman itong pumunta sa bahay ni Natividad upang bunutin ang gasa sa kanyang ari na may sukat na 1.5 pulgada. Tapos ay sabi ni Dr. Ampil kay Natividad na mawawala na ang kanyang pananakit.

Ngunit lalo pang lumala ang pananakit na nararamdaman ni Natividad kaya sinugod ito sa Polymedic General Hospital. At doon ay nakita ulit ang isa pang gasa sa may ari ni Natividad at sumailalim pa ulit siya sa isa pang operasyon upang tanggalin ang foreign object sa kanyang katawan.

Kaya noong ika-12 ng Nobyember taong 1984 ay napilitang magsampa ng asunto si Natividad at ang kanyang asawa laban kay Dr. Ampil, Dr. Fuentes at Professional Services Inc. (PSI) ang may-ari ng Medical City dahil sa pagpapabaya (negligence) at medical malpractice sa Regional Trial Court ng Lungsod ng Quezon.

SA REGIONAL COURT

Sa paglilitis ay prinisenta ng abugado ni Natividad ang record ng nurse noong araw na inoperahan si Natividad at nakalagay dito ang mga sumusunod:

“sponge count lacking 2”

“announced to surgeon searched (sic) done but to no avail  continue for closure.”

Dito ay napag-alaman ng hukuman na ang dalawang gasa na nakita sa ari ni Natividad ay galing sa operasyon na pinangasiwaan ni Dr. Ampil, dahilan upang husgahan ang kaso pabor kay Natividad at laban sa dalawang doktor at PSI noong ika-17 ng Mayo, taong 1993 at pagbayarin ng halagang:

a)    US$19,900 reimbursement sa pagpunta nila sa US;

b)    P4,800 travel taxes;

c)    P45, 802.50 bayad sa Polymedic Hospital;

d)   P2,000,000.00 moral damages, dahil sa pasakit na inabot ni Natividad;

e)    P300,000.00 exemplary damages, bilang babala sa ibang doctor;

f)     P250,000.00 attorney’s fees at;

g)    Cost of suit o anumang ginastos ni Natividad sa paglilitis.

Nakamit man ang hustisya ay hindi na ito nasilayan ni Natividad na namayapa bago pa hinusgahan ang kaso noong ika-16 ng Pebrero taong 1986.

Pagdating sa Court of Appeals ay na-affirm ang desisyon ng Regional Trial Court ngunit inabswelto si Dr. Fuentes.

Kaya napilitang ang pamilya ni Natividad, Dr. Ampil at PSI na iakyat ang kaso sa Korte Suprema.

KORTE SUPREMA

Ayon sa pamilya ni Natividad, dapat daw managot si Dr. Fuentes ayon sa doktrinang “res ipsa loquitur” o “the thing speaks for itself.” Si Dr. Fuentes ay isa sa nag-opera kaya dapat sabit din siya kasama ni Dr. Ampil at ng PSI.

Ayon naman kay Dr. Ampil, hindi siya ang may kasalanan kundi si Dr. Fuentes na nagsagawa ng hysterectomy kay Natividad. Kasalanan rin daw ng nurse na nasa-operasyon dahil hindi ito binilang ng mabuti ang mga gasa. Pati ang mga doktor sa Estados Unidos ay sinisi rin ni Dr. Ampil na maaring naglagay ng gasa sa katawan ni Natividad.

Ayon naman sa PSI hindi daw nila empleyado ang mga doktor ng ospital dahil maituturing sila na independent contractor, kaya hindi rin dapat daw sila pagbayarin sa nangyari. And ospital lamang daw ang nagbibigay ng mga pasilidad tulad ng kama, kwarto, at ano pang medical equipments ngunit hindi nila pinapakialaman ang mga doktor kung paano nila gagamutin ang mga pasyente.

Pananagutan ni Dr. Ampil

Ayon sa Korte Suprema, malinaw pa sa sikat ng araw ang pananagutan ni Dr. Ampil.

Una, ang gasa ay ginagamit sa pagkontrol ng dugo habang inooperahan.

Pangalawa, matapos ng operasyon ay sinulat ng nurse sa kanyang report na may 2 gasang nawawala at sinabi niya ito sa doktor ngunit sinarado pa rin ang sugat.

Pangatlo, nakita sa bahagi ng katawan ni Natividad ang dalawang gasa kung saan siya inoperahan ni Dr. Ampil.

At kung nakaiwan ang doktor ng gasa sa katawan ng isang tao, syempre isa na itong kapabayaan, di hamak. Kung may mga pagkakataon naman na kailangan talagang isara ng doktor ang sugat upang maiwasan ang anumang kumplikasyon, ay obligasyon ng doktor na ipaalam ito sa pasyente.

Sa kasong ito, hindi ipinaalam ni Dr. Ampil kay Natividad na may naiwang gasa sa loob ng katawan ng huli, at ang masama ay sinabi pa ni Dr. Ampil na natural lang ang sakit na nararamdaman ni Natividad.

Kaya sabit si Dr. Ampil at dapat panagutan ang pagkakamali.

Pananagutan ni Dr. Fuentes

Pinanigan din ng Korte Suprema ang husga ng Court of Appeals na iabswelto si Dr. Fuentes.

Si Dr. Fuentes lang nagsagawa ng hysterectomy kay Natividad at matapos ng kanyang trabaho ay umalis na ito sa operating room at ipinasa ang responsibilidad sa lead surgeon na si Dr. Ampil na nagsara ng hiwa kahit may nawawala pang gasa.

Ayon sa doktrinang “captain of the ship,” ang kapitan ng barko ang may kontrol sa lahat ng nangyayari sa loob nito at responsable rin sa lahat ng kapalpakan. Sa kasong ito si Dr. Ampil bilang lead surgeon ay tinuturing na kapitan ng barko at kontrolado niya ang lahat na nagaganap sa operating room.

Tinawag ni Dr. Ampil si Dr. Fuentes upang magsagawa ng  hysterectomy. Si Dr. Ampil ang nag-eksamen sa gawa ni Dr. Fuentes ang nagbigay ng permiso sa huli na umalis na sa operating room, at si Dr. Ampil din ang nag-utos ng pagsarado ng hiwa.

Kaya ang lahat ng sisi ay napunta kay Dr. Ampil at naabswelto si Dr. Fuentes.

Pananagutan ng Ospital

Hindi na kailangan pang pagtalunan ang pananagutan ni Dr. Ampil sa kasong ito. Pero ang pinaka-importanteng issue na sinagot ng Korte Suprema ay ang pananagutan ng ospital.

Ang doktor kasi nauubusan ng pera ngunit ang ospital ay malalim ang balon. Ibig sabihin, kahit bangkarote na ang doktor, mahahabol pa rin ng mga pasyente ang ospital.

Ramos vs. Court of Appeals

Bago kasi ang kasong ito ang prevailing doctrine ay ang kasong Ramos vs. Court of Appeals.

Sa kasong ito ay pinawalang sala ang ospital sa pananagutan ng isang doktor dahil wala silang employer-employee relationship. Ang ospital ay walang kontrol sa mga doktor kaya wala rin itong pananagutan.

Kaya sa una ay malakas ang paniniwala ng ospital na maabswelto rin sila gamit ang kaso ng Ramos vs. Court of Appeals.

Ngunit biglang nag-iba ang ihip ng hangin.

Brief History

Pero bago yan ay tignan muna natin ang maikling kasaysayan ng relasyon ng ospital at mga doktor.

Bago ang kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang mga ospital ay para lamang sa mga mahihirap at mga walang pambayad. Ang mga mayayamang tao kasi ay ginagamot ng mga doktor sa kanilang mga bahay.

Kaya ang mga doktor ay hindi tinuturing na empleyado ng mga ospital dahil bilang isang dalubhasa ay sila lang ang nakakaalam kung ano ang kanyang ginagawa. Ginagamot niya ang mga pasyente ayon sa kanyang kaalaman at diskarte  na hindi pinapakialaman ng ospital.

Ngunit unti-unti ang mga ospital ay dumitansya sa kanilang pagkakawang-gawa at nagiging isang malaking negosyo. Lumalaki  ang ginagampanan o role ng mga ospital sa pagsuplay at pag-regulate ng pangangalagang medikal sa kanilang mga pasyente.

Hindi na lang limitado ang mga makabagong ospital sa pagbibigay ng mga kuwarto at medical facilities. Ngayon ay kumukuha na sila ng mga regular na physicians, interns, nurses, bilang empleyado. Sinisingil na rin nila ang mga pasyente sa mga serbisyong nito at dinidemanda pa ‘pag hindi makabayad.

In short, habang lumalaki ang kita ng mga ospital at lumalawak ang kanilang partisipasyon sa paggagamot ay lumalaki rin ang kanilang mga responsibilidad at pananagutan kasama ng mga doktor pagdating sa kaso ng medical malpractice.

Kaya sa kaso ni Natividad ay nagbaba ang Korte Suprema ng bagong doktrina at sinabi na may employer-employee relationship ang mga ospital at doktor “for purposes of apportioning responsibility in medical negligence cases”.

Sa makatuwid, hindi talaga empleyado ng ospital ang mga doktor. Kapag tinanggal ng ospital ang mga doktor, hindi ito pwedeng maghabla sa NLRC ng kasong illegal dismissal dahil tinuturing sila bilang independent contractor.

Ngunit, subalit, datapwat pagdating sa mga kasong medical negligence maaring  masabing empleyado ng ospital ang mga doktor.

Element of Control

Kung susuriin, puwera sa pagpapasahod, talaga namang may kontrol ang mga ospital sa mga doktor nito, eto ang mga basehang binigay ng Korte Suprema:

1)   Kontrol sa pagpili ng mga doktor. Hindi naman basta-basta lang makakapasok ang isang doktor o consultant sa isang ospital na hindi dumadaan sa mga review committee at management ng ospital.

Pinagsusumite ng mga ospital ang mga doktor na nag-aapply ng  educational qualifications, proof of completion of residency, references, fellowship etc.

2)   Kontrol sa ginagawa ng mga doktor. Nire-require ng mga ospital ang mga doktor na magsagawa ng rounds sa mga pasyente, pumunta sa mga clinico-pathological conferences kung saan pinag-uusapan nila ang mga kaso ng kanilang mga ginagamot.

3)   Kontrol sa pagtanggal ng mga doktor. Ini-evaluate ng mga committee ng ospital ang performance ng mga doktor, at base sa feedback ng mga interns, nurses, residents at mga pasyente maaring tanggalin ang doktor sa ospital.

Agency by Estoppel

Bukod sa elemento ng kontrol, sinabi rin ng Korte Suprema na hindi maaring sabihin ng ospital na hindi nila pananagutan ang mga kapalpakan ng mga doktor nito matapos nilang gamitin ang kanilang mga pangalan upang umakit ng mga pasyente.

Sa kasong ito, nakabalandra sa lobby ng ospital ang pangalan ni Dr. Ampil at iba pa nitong doktor upang ipaalam sa publiko na tiwala sila sa kanilang mga kakayahan.

Kung kumita sila sa pangalan at kakayahan ng mga doktor nito, e bakit sila biglang tatalikod kapag nagkakabulelyasuhan?

Corporate Responsibility

Bilang nagpapatakbo ng ospital, hindi rin ginampanan ng maayos ng PSI ang obligasyon nitong pangalagaan ang kanilang mga pasyente. Kahit nakalagay na sa report ng nurse na may dalawang gasang nawawala, ay wala rin itong ginawang imbestigasyon sa pangyayari.

Nag-file ng Motion for Reconsideration ang PSI ngunit binasura lang ito ng Korte Suprema.

Damage Control

Dahil sa kasong ito ay nagulantang ang buong industriya ng mga ospital at napilitan silang sumawsaw sa issue dahil naisip nila na malaki ang kanilang magiging problema. Natatakot silang gagamitin ang kasong ito sa iba pang mga kasong nakabinbin na kukurot sa kanilang mga naglalakihang kita.

Kaya ang Manila Medical Services, Inc. (MMSI), Asian Hospital, Inc. (AHI), at Private Hospital Association of the Philippines (PHAP) ay nag-file ng Second Motion For Reconsideration.

Ayon sa kanila, dapat daw baguhin ang desisyon at ibalik ang doktrina ng Ramos vs. Court of Appeals dahil ito ay mag “jeopardize” sa kanilang “ financial viability” at tataas daw kuno ang halaga ng pagpapagamot.

Nanindigan ang Korte Suprema at pinanagot pa rin ang PSI kasama si Dr. Ampil sa nangyari kay Natividad sa halangang P15 Million lang naman at may interest na 12% per annum.

Ngunit ito ang catch, sabi ng Korte Suprema, ang kaso daw ni Natividad ay hindi daw maaring gamitin na precedent sa iba pang kaso. Unique daw ang kaso ni Natividad at hindi daw dapat pananagutin agad ang mga ospital sa mga kaso ng medical malpractice.

Hmm…parang bigla nagbago ulit ang ihip ng hangin at naging sacrificial lamb ang PSI.

Nakamit nga ni Natividad ang hustisya, pero paano kaya sa mga susunod na mga kaso ng medical practice?

Maganda na sana eh.

Nuff said.


 

————–

“Doctors are the same as lawyers; the only difference is that lawyers merely rob you, whereas doctors rob you and kill you too.” – Anton Chekhov

Sources: Professional Services Inc., vs. Natividad & Enrique Agana, GR. Nos. 126297, 126467, 127590.  January 21, 2007; February 11, 2008 (First Motion for Reconsideration); February 2, 2010 (Second Motion for Reconsideration)

{ 23 comments… read them below or add one }

Manay Cristy July 25, 2010 at 9:46 pm

Naks naman, ganda ng drawing. At Green Cross pa talaga ang alcohol! :P

Reply

hicort August 13, 2010 at 8:24 pm

Pero uso na ba noon 1984 ang cellphone? Ha ha Baka naman walkie talkie pero walang anntena?

Dapat lang makasuhan si Dr ampil. Marami pang mga dr ang naging pabaya sa trabaho nila.

Reply

granger1220 July 25, 2010 at 10:35 pm

Ayun lang, naging case law na lang. Nawala ang doctrine of stare decisis. Di pa dumarating ang kahalintulad na kaso na overturn agad.

Reply

Ronald Redito July 26, 2010 at 12:03 am

Marami na naman akong natutunan brod!

Reply

xerim.com July 26, 2010 at 8:30 am

wow.. sobrang detalyado.. kahit mahaba ayos lang na basahin lahat..

Reply

xerim.com July 26, 2010 at 8:33 am

pahabol.. ang ganda ng drawing! thumbs up.. at naka double cheeze burger pa si doc..

Reply

Tito Boy July 26, 2010 at 8:42 am

@Xerim.com, thanks! Eto na ata ang pinakamahabang post na ginawa ko na hindi hiniwalay sa maraming entry.

Reply

Trudis D'Dog July 26, 2010 at 11:03 am

salamat sa pag post nito Tito Boy! Grrrrrr grabe ang inis ko sa ospital na yan grrrrrrr!

Reply

AsOL July 26, 2010 at 11:08 am

galing ni Sir Duking ganda ng drawing.

Ang alam kong naging #1 advocate ng medical mal practice law e si Korina Sanchez ee.. Alam ko sia ang nagsusulong para maipasa sa kamara noon ang batas na ito. naaalala ko pa nga lumabas si Korina sa channel 7 sa programang probe tuckling about medical malpractice law.

Dati nung my time na nasa ospital ako nakita ko na di ka iistemahin ng mga personel ng hospital kung wala kang perang dala. My pasyente dun na namimilipit na sa sakit ng tiyan na hinihinalang apendicitis ata ang sakit e pinahiga lang nila dun sa isang kama na nasa sulok ng ospital at di nila agad dinala sa operating room ksi hinihintay pa na dumating ung pera ng parents ng bata. kalain mo yun, mamatay ka na lng di ka pa rin aasikasuhin kung wala kang pera.

tanong ko lang po. Di ba ito isang uri ng Medical malpractice or maikokonsidera na ganun?

Reply

Tito Boy July 26, 2010 at 4:20 pm

Iba pa yun Asol. Ang mga administrator ng ospital ang kabit dun hindi mga doctor, unless doctor din ang mga administrator hehe.

Reply

batangmangyan July 26, 2010 at 1:43 pm

naluha ang mata ko sa haba, di ko tinigilan ang pagbabasa..galing! interesting. isa ‘to sa mga inaabangan ko kasi nabiktima din ako d’yan sa bagong medical city.

panyero, tanong ko lang, minsan kasi yong sinasabi nilang code of ethics ng mga doctors ang nagiging dahilan ng medical malpractice. may ganun bang case? possible ba yun? or otherwise, ito ang nakakapag-save sa kanila.

salamat sa napakagandang lesson. at level up ang drawing…hahaha. wala pa bang doodles?

Reply

Tito Boy July 26, 2010 at 4:19 pm

Violation of code of ethics ng mga doctor or kahit anong profession ay ground for suspension or revocation ng license. The Professional Regulatory Commission (PRC) has the jurisdiction on this kind of cases.

Reply

ferdie July 26, 2010 at 9:46 pm

Astig na ang panyero.net! Big time na ang mga sponsor, Nandiyan ang McDo, nike, at Green Cross.
Hanep!
Isang bagong kaalaman na naman ito, nakakalungkot lang nga ang tapos ng istorya, binawi-bawi. Pero ang laki ng naging multa ha, P15M + interest, pero kahit na buhay pa rin ang nawala. Sabi ni P-noy sa SONA nya papareview niya raw mga batas sa atin para hindi magulo, sana magkatotoo.

Reply

duking July 26, 2010 at 11:48 pm

bat nagkaganun?biglang ginawang special case yung kaso ng tagumpay ni natividad laban sa ospital na nasa likod ng kaso ng medikal malpraktis?

kung mauulit ang nasabing kaso…posibleng iba na ang maging hatol?magiging inconsistent ang batas.

kaya tuloy hindi nakapagtataka na sikat ang faith healing sa bansa natin.

Reply

Taragis July 27, 2010 at 12:40 pm

ayan, nabasa kona din matapos ang ilang araw ang haba kase hehe. pero magandang kaalaman, alam kona ang responsibilidad ng duktor at ng hospital..

sayang nga lang at hindi na inabutan ni natividad ang kaso kasi natapunan sya ng coca cola ng mcdonalds haha! ang ganda ng illustration astig talaga si duking!!
panyero at duks, sumisimple kayo ng ads ha! hehe nike at mcdo. =)

cheers! magaling magaling!!

Reply

bonistation July 27, 2010 at 12:41 pm

yung sasabihin ko tulad din ng sinabi nung TARAGIS sa taas! haha

tagay na!

Reply

ms hopeful July 27, 2010 at 1:05 pm

:) tamang tama ang post mo TB, eto yung nangyari sa teleserye na Rubi . namatay ang mother ni Rubi di sa tama ng baril kundi sa negligence ng doktor kasi nakainom nung mag opera.

Reply

Sphere July 28, 2010 at 8:59 pm

Shaks! naalala ko 2loy ung kwento ng isa kong frend d2 inoperahan daw ung frend nya regarding sa pagbubuntis ung problem tpos umuwi sa PInas para magrest nong nagpacheck up sya sa Pinas natuklasang ang kahindik hindik na katotohanan na wala na yung MATRIS nya tpos nong kinontak na yung hospital d2 wala na yung doktor nakauwi na sa lugar nya ngayon sino ang dapat managot ung eh wala na nga ung doctor sadyang napakasakit Tito Boy ng ngyari sa knya kakalungkot tlga:-(

madami po akong natutunan salamat po :=))

Reply

lee mi July 29, 2010 at 5:07 am

Hala Ate Anne, katakot naman yung kwento nya, buntis rin kase yung friend ko dito, at laging nahihirapan sya sa mga nasa hospital, (ayoko kase sa hospital kaya wala ako idea sa ganito),
kaso iba naman talaga law dito kaya di ko rin lam pano.. hayyys..

Reply

Sphere July 29, 2010 at 2:52 pm

oo Leemi nakakatakot yon nga kagad naalala ko nong mabasa ko 2 parang naluka luka na nga raw yung babae sa Pinas biruin mo hindi ka na magkakaanak sa tanang buhay mo dahil sa kagagawan ng doctor na yon! sabihin mo sa frend mo magyyngat sya at ichecheck nya tlga lahat ng binibigay, pinapainom o sinasabi nya sa kanya double check kamo sya ok :-)

Reply

duking July 29, 2010 at 7:07 pm

bumili ako ng barbeque kanina sa kanto.alam ko na kung nasaan yung matres.

seryoso.nakakalungkot yung ganyan tapos wala kang mapanagot sa kapalarang sinapit mo.

badtrip di ba?

Reply

Jet July 30, 2010 at 11:25 am

Tito Boy, pag naging justice ka, at ikaw ang ponente, sana ganito ang pagkakasulat ng mga kaso ha..
…hehehe

Reply

jheng November 25, 2011 at 2:54 pm

hi sir thanks for translating this case.. irereport ko kasi to.. and gumawa na kami ng video for this.. reenactment lang.. can u give me additional info about this case.. and some opinions from you.. napaka haba kasi ng case na to sa ibang site.. ang daming sinasabi.. some words are not familiar to me.. lalo na ung mga case no. na un.. thanks

Reply

Leave a Comment

Previous post:

Next post: