“CRIME OF THE CENTURY” (1 of 2)

by Tito Boy on December 24, 2010

Angel or Demon?

Dati, sila’y kinamumuhian at kinasusuklaman na ng mapaghusgang mata ng lipunan.

Kaya’t hindi na nasurpresa ang karamihan ng magbaba ang Regional Trial Court ng Parañaque ng parusang reclusion perpetua o pagkakulong ng 30 taon laban kay Hubert Webb at kanyang mga “kasabwat” dahil sa pagpatay sa mag-ina Visconde noong ika-30 ng Hunyo taong 1991

(Ang reclusion perpetua ay hindi habang buhay na pagkakulong tulad ng alam ng karamihan  base sa Art. 27, Revised Penal Code).

Ngunit lumipas ang 19 na taon, nag-iba ang ihip ng hangin. Laya na si Hubert Webb. Kaliwa’t-kanan ang interview, parang isang sikat na artista. Paano nangyari ‘to?

Ano ba ang nakita ng Korte Suprema kung bakit binaliwala nito ang husga ng Regional Trial Court at ng Court of Appeals na nagpatibay ng hatol kay Hubert Webb, et al.?

TESTIMONYA NI JESSICA ALFARO

Ang kaso laban kina Hubert Webb ay nakatukod lamang sa salaysay ni Jessica Alfaro. Bumilib ang mababang hukuman sa detalyadong narasyon ni Alfaro sa nangyari noong madaling-araw ng ika-30 ng Hunyo. Nakita siya bilang isang “credible witness” ng Regional Trial Court dahil tugma sa mga pisikal na ebidensiya ang kanyang salaysay.

Ngunit ano ba talaga ang nilalaman ng salaysay ni Alfaro? Tignan natin.

Ang pagkikita

Base sa bersiyon ng prosekusyon at ayon sa desisyon ng RTC at Court of Appeals, noong ika-29 ng Hulyo taong 1999, bandang alas-otso (8:00 pm) ng gabi, minamaneho ni Alfaro ang kanyang sasakyang Mitsubishi Lancer kasama ang nobyong si Peter Estrada patungo sa parking lot ng  Ayala Alabang Commercial Center upang bumili ng shabu kay Artemio “Dong” Ventura.

Doon ay pinakilala ni Dong si Alfaro sa kanyang mga kaibigang  sina Hubert Jeffrey P. Webb, Antonio “Tony Boy” Lejano, Miguel “Ging” Rodriguez, Hospicio “Pyke” Fernandez, Michael Gatchalian, and Joey Filart.  Sabi ni Alfaro, dati na niyang nakita ang grupo nina Webb sa isang “shabu house” sa Parañaque noong Enero ng taong yun.

Unang tungo sa bahay ng mga Vizconde

Habang tinitira ni Alfaro ang kanyang shabu, lumapit daw si Webb sa kanya upang makiusap na ipahatid ang kanyang mensahe sa isang babaeng nagngangalang Carmela Vizconde. Pumayag naman si Alfaro. Matapos magpagulong ng shabu, umalis ang grupo papunta sa bahay ni Carmela sa 80 Vinzons St., Pitong Daan Subd., BF Homes Paranaque, sakay ng Lancer, Mazda Pick-up, at Nissan Patrol kung saan sakay si Webb.

Pagdating sa Vinzons St., bumaba si Alfaro sa kanyang kotse at nag-door bell sa bahay ng mga Vizconde. Lumabas ang isang babae at tinanong si Carmela.  Sabi ni Alfaro nagkita na daw sila ni Carmela ng dalawang beses noong Enero taong 1991. Nang lumabas si Carmela, ipinihatid ni Alfaro ang mensahe ni Webb. Sabi ni Carmela, hindi pa daw siya pwedeng lumabas dahil kakarating pa lang nila sa bahay kaya’t bumalik na lang ang grupo nina  Webb pagkalipas ng 20 minuto. Inihatid ni Alfaro ang sagot ni Carmela at sinabi ni Webb na bumalik muna sila sa Ayala Alabang Commercial Center.

Doon ay bumatak ulit ang grupo ni Webb kasama si Alfaro sa parking lot. Matapos bumatak, bumalik ulit ang grupo sa bahay ng mga Vizconde sa BF Homes. Si Alfaro lang ang tumungo sa Vinzons St., samantalang ang Pick-up at Nissan Patrol ng grupo nina Webb ay pumarada sa may Aguirre Avenue.

Pangalawang balik

Nakita ni Alfaro sa hardin ng mga Vizconde si Carmela at lumapit ang huli nang nakita si Alfaro. Kinausap daw siya ni Carmela at sinabing aalis muna siya sandali sa bahay at bumalik na lang ang grupo nina Webb bago maghating gabi. Hahayaan na lang daw ni Carmela ang pinto ng kanilang bakod at kusinang bukas at mag-blink na lang daw ng dalawang beses ang headlights ng sasakyan ni Alfaro upang malaman ni Carmela na dumating na ang grupo ni Webb.

Bumalik si Alfaro sa kanyang sasakyan at hinintay na umalis si Carmela sakay ng sarili nitong kotse palabas ng kanilang bahay. Sinundan ni Alfaro ang sasakyan ni Carmela at huminto ito sa Aguirre Avenue kung saan bumaba sa kotse ni Carmela ang isang lalaking pinaniniwalaan ni Alfaro na “boyfriend” ni Carmela.

“Bad Trip”

Hinanap ni Alfaro ang grupo ni Webb at bumalik ulit sila sa Alabang Commercial Center. Ipinarating ni Alfaro kay Webb ang mensahe ni Carmela at kinuwento rin ang lalaking kasamang inihatid nito. Dito ay nagbago agad ang mood ni Webb ng gabing ‘yon na parang na “bad trip”.

Namigay si Webb ng cocaine sa grupo at tinira nila ito kasama ng shabu sa parking lot. Matapos ang 40-45 minuto, nagdesisyon si Webb na umalis at nagsalita,

Pipilahan natin siya [Carmela] at ako ang mauuna.”

Ako ang susunod,” sabi naman daw ng kasamang si Lejano.

Okay, okay,” sabi ng ibang nasa grupo.

Pangatlong balik

Matapos bumanat ng cocaine at shabu sa pangatlong ulit, bumalik ang grupo ni Webb kasama si Alfaro sa Pitong Daan Subdivision at dumating sila sa bahay ng mga Vizconde bago maghating gabi. Pumarada si Alfaro malapit sa bahay nina Carmela at nilapitan siya ni Fernandez at nagbigay ng suhestiyon para magkabrown-out sa buong kalye.

Pasabugin kaya natin ang transformer na ito

Malakas lang ang tama mo.” sagot ni Alfaro.

Nang nasa tapat ng bahay na si Webb, Lejano at Ventura, muling sinabi daw ni Webb na pipilahan nila si Carmela at sumagot ang mga kasama:

O sige, dito lang kami, magbabantay lang kami.”

Unang pumasok si Alfaro sa bukas na pinto ng garahe. Nakasunod sa kanya si Webb, Lejano at Ventura. Pagpasok sa garahe, tumuntong si Ventura ng hood ng kotse Nissan Sentra na pag-aari ng mga Vizconde at niluwagan ang  bumbilya ng garahe “para daw walang ilaw.

Dumeretso sila sa kusina kung saan binuksan ni Carmela ang pinto para makapasok sila. Nagkatinginan ni Webb at Carmela at dumeretso ang dalawa sa dining area upang mag-usap. Nang hindi na niya nakita si Webb at Carmela, naisip ni Alfaro na lumabas. Nang tinanong siya ni Leano saan siya pupunta, sabi ni Alfaro na magyoyosi lang siya sa hardin. Palabas ay nakita ni Alfaro na nagbubulatlat ng hunos (drawer)  sa kusina si Ventura.

Matapos magyosi ni Alfaro sa hardin ng mga 20 minutos, ay may narining siyang babaeng boses, “Sino yan?” Bumalik si Alfaro sa kanyang sasakyan galing sa hardin. Sa labas ay umaaligid ang iba nilang kasama at tinanong siya ni Estrada kung “Okay ba?”

“Prepare an escape”

Lumipas ang 10 minutong pagkaka-upo sa kotse ay bumalik si Alfaro sa loob ng bahay gamit ang parehong ruta. Sa loob ng kusina ay nakita ni Alfaro si Ventura na naghahanap ng susi sa isang pambabaing bag na nasa dining table. Nang tinanong ni Alfaro kung ano ang hinahanap ni Ventura, sumagot ito:

Ikaw na nga dito, maghanap ka ng susi.”

Kung tinanong ni Alfaro para saan ang susi:

“Basta maghanap ka ng susi ng main door pati na rin ng susi ng kotse.”

Nakakita si Alfaro ng mga susi sa bag ngunit walang kumasya sa main door at hindi niya nakita ang susi ng kotse.

Nang hindi mabuksan ang main door, bumalik si Alfaro sa kusina. Nang dumaan siya sa dining area, may narinig si Alfaro na static noise na parang bukas na TV na wala sa tamang istasyon. Na-curious daw siya at sumilip sa master’s bedroom at doon nakita ni Alfaro si Webb na nasa ibabaw ni Carmela na nakahiga sa sahig. Dalawang duguang katawan naman ang nakaratay sa kama.

Nakita rin ni Alfaro si Lejano sa paanan ng kama na sinusuot ang kanyang jacket. Nakabusal ang bibig ni Carmela, humahagulgol at umiiyak habang ginagahasa daw ni Webb.

Nakita daw ni Webb si Alfaro at binagyan ng makabuluhang titig kaya’t umalis si Alfaro sa kwarto. Nakasalubog ni Alfaro si Ventura sa dining area at nagsabi:

Prepare an escape.  Aalis na tayo.”

Blaming session

Gulat pa rin sa kanyang nakita, dali-daling lumabas si Alfaro sa bahay kung saan naghihintay ang ibang kasamahan. Pumasok siya sa kanyang sasakyan, binuksan ang makina pero hindi niya alam saan tutungo. Doon ay palabas palang ng bahay sina Webb, Lejano at Ventura. Nang nakalabas na sa bahay, pumulot ng bato si Webb at binato ang main door at nabasag ang salamin ng pinto.

Matapos ang insidente ay tumungo sa isang malaking bahay sa BF Executive Village ang grupo at doon nagsisihan. Nalaman ni Alfaro at ng mga kasamang naiwan sa labas ang nangyari sa loob ng bahay. Unang pinatay daw ang Nanay ni Carmela, sumunod ang bunsong kapatid na si Jennifer at huli si Carmela. Sinisi ni Ventura si Webb:

“Bakit naman pati yung bata?”

Nagising daw yung bata at nakitang ginagahasa niya si Carmela kaya’t tinalunan siya, kinagat ang balikat at sinabunutan ang buhok. Nagalit si Webb, tinulak ang bata sa pader at ilang beses pinagsasaksak.

Matapos ang sisihan ay tumawag si Webb sa kanyang cellphone.

Bandang alas-dos ng madaling araw ay dumating si Gerardo Biong kung saan inutusan ni Webb na linisan ang bahay ng mga Vizconde at sinabing:

Pera lang ang katapat nyan.”

“Okey lang,” sagot ni Biong.

“We don’t know each other.  We haven’t seen each other…baka maulit yan,” ang huling paalala ni Webb sa mga kasamahan.

Umalis si Alfaro kasama ang kanyang nobyong si Estrada at tumuloy sila sa bahay ng tatay ni Alfaro.

Corroborating Witnesses

Bukod sa salaysay ni Alfaro, pineresenta rin ng prosekusyon ang salaysay ng mga security guards ng Pitong Daan Subdivision, dating labandera ni Webb, dating kasintahan ni Biong at pati si Lauro Vizconde.

Nakita ng mababang hukuman ang testimonya ni Alfaro bilang “straightforward, spontaneous, and frank testimony, undamaged by grueling cross-examinations.”

Ngunit hindi belib ang pito (7) laban sa apat (4) na mahestrado ng Korte Suprema  (apat ang nag-inhibit o kaya ay walang parte sa desisyon)

Ano ang rationale ng pitong mahestrado at bakit inabselto nila si Webb et al.?

Susunod…


P.S. Maligayang Pasko sa lahat ng mambabasa ng Panyero.Net!

Tito Boy 12/25/10


 

—————–

In our criminal justice system, what is important is, not whether the court entertains doubts about the innocence of the accused since an open mind is willing to explore all possibilities, but whether it entertains a reasonable, lingering doubt as to his guilt.” – Lejano vs. People, G.R. No. 176389, December 14, 2010

{ 9 comments… read them below or add one }

Jet December 25, 2010 at 12:06 am

Merry Christmas everyone!

Reply

Jet December 25, 2010 at 12:07 am

…ay! ako unang nagcomment weehhH!!!

Reply

Ronald Redito December 25, 2010 at 12:21 am

Merry Christmas sa lahat! =)

Reply

Rancid99a December 25, 2010 at 8:10 am

Merry Christmas :D

Reply

mile December 26, 2010 at 1:28 pm

wow tinalakay na ung kay hubert

Reply

Fr. Felmar Castrodes Fiel, SVD December 26, 2010 at 8:33 pm

nice meeting you panyero! great post! ito yung tinalakay mo sa amin sa kotse papuntang christ the king.

nag-subscribe ako sa blog mo. Thanks and God bless+

Reply

Rob aka Tito Boy December 27, 2010 at 11:14 am

Father Felmar!

Salamat po at nakabisita kayo sa panyero.net. May spiritual reader na rin ako! It’s an honor to be with PEBA No. 1 blogger for 2010 (http://fielsvd.wordpress.com).

Happy New Year and God Bless po.

Reply

joven December 29, 2010 at 11:45 am

ngayon ko lang talaga nalaman ang istorya ng visconde.tnx bossing!

Reply

pRetTyaNna January 29, 2011 at 2:33 pm

sir pwede po ba maishare to? gusto po kasi malaman ng ate ko yung details kung bakit nakalaya sila.. :) maraming salamat po.. :)

Reply

Leave a Comment

{ 1 trackback }

Previous post:

Next post: