OUTSOURCED

by Tito Boy on October 2, 2011

 

Air Strike!

Tuloy pa rin ang welga ng mga empleyado ng Philippine Airlines (PAL) at ilang flights ang nakansela at ilang paseho ang na-stranded dahil dito.

Maraming pasahero ang na-buwisit dahil wala naman silang pakialam sa problemang manggagawa ng PAL, ang gusto lang nila ay makapunta sa paroroonan ng walang hassle at ligtas. Nakakalungkot dahil malaki ang epekto nito sa ating turismo. Hindi na mga magkamayaw ang gobyerno sa pang-aakit ng mga turista sa loob at labas ng bansa ngunit kung ganito naman ang sasalubong sa kanila sa mga paliraparan natin, eh good luck na lang.

Pero nauunawaan ba nating ang issue dito sa kaso ng PAL? Alam ba natin na sumasalamin ang mga nangyayari sa mga manggagawa ng PAL sa boung sistema at kalagayan ng mga manggagawa sa bansa?

Alam mo bang maaring mangyari sa iyo balang araw ang mga kaganapan sa PAL?

Mga mambabasa at mga tagasubaybay, ipinakikilala ko kayo kay “job contracting,” ang pinakamagandang imbensiyong ng kapitalismo at ang kalaban ng lahat ng manggagawa sa makabagong panahon.

Legitimate Contracting or Subcontracting

Ang “job contracting” ay isang legal na paraan para makatipid ang isang kumpanya. Sa job contracting maaring ipatrabaho sa ibang tao o tinatawag nating “contractor” ang ilang bahagi ng negosyo ng kumpanya.

Isang magandang halimbawa nito ay ang mga security guard sa isang bangko. Imbes na magsanay ng security guard ang bangko na hindi naman niya forte, pupunta na lang ito sa mga security agency at papasok sa kontrata para bigyan siya ng mga magbabantay sa kanyang mga limpak-limpak na pera.

Sa halimbawa natin may trilateral relationship ang job contracting. 1) Ang bangko na tinatawag na principal o ang kumpanyang gustong magfarm out ng trabaho, 2) ang security agency o ang contractor na may kakayahang gawin ang trabaho mula sa principal 3) at ang mga sekyu ocontractual workers na kinuha ng contractor para gawin ang trabaho.

Sa unang tingin, parang wala namang masama dito. May trabaho pa rin naman nakaatang para sa mga manggagawa. Yun nga lang, hindi sila ituturing na empleyado ng principal. Sila ay empleyado ng contractor at eto ang pinuputok ng mga butse ng mga samahang ng mga manggagawa.

Syempre, kung hindi masasabing empleyado ng principal ang contractual employees, hindi nila makukuha ang mga benepisyo ng malalaking kumpanya na ipagkakaloob sa mga regular nitong manggagawa tulad ng regular na trabaho, mas malaking pasahod, benepisyong medikal, pabahay, pakotse, pensiyon at mas malaking retirement pay, buwanang libreng bigas, pang-inom at pangbabae, ay este wala palang ganun.

 

Labor-only contracting

Ang masama pa nito, dahil nga sa nakakatipid ang mga kumpanya sa job contracting, may mga ulupong na employer na sinasamantala ang sistema para baratin ang mga manggagawa at ito ay tinatawag na “labor-only contracting.

Mahigpit na pinagbabawal ang labor-only contracting. Ito ay may dalawang elemento na pinagkaiba sa lehitimong job contracting:

  1. Substantial capital – walang sapat na kapital ang isang labor-only contractor. Isa lang kasi siyang middleman na kumukuha ng manggagawa. Walang siyang sapat na kakayahan sa pamamagitan ng materyales upang gawin ang trabahong ikinontrata niya.
  2. Right of Control – sa labor-only contracting, ang principal pa rin ang nagkokontrol sa contractual employees na parang empleyado na niya rin. Dapat kasi ang contractor ang mag-kokontrol sa empleyado niya at siya ang magsasabi ano ang gagawin nito. Ang principal lamang ang masusunod sa resulta na gusto nitong mangyari, kung papaano ito gagawin ng contractor ay diskarte na ito ng huli.

Sa labor-contracting pinapalabas ng principal na kunwari’y kinukontrata nito ang ilang bahagi ng kanyang negosyo, ngunit sa katotohanan, pumunta lang siya sa middleman na “contractor” kuno para kumuha ng warm bodies at pag trabahuhin sa kumpanya. Kung tratuhin ng kumpanya ang mga contractual employees ay walang pinagkaiba sa regular nitong manggagawa ngunit mas maliit ang sweldo at walang benepisyo. Ergo, malaking katipiran!

 

PAL vs. Enrique Ligan, et al. G.R. 146408, 29 February 2008, MR – 30 April 2009

Sa kaso ng PAL, hindi na bago ito. May kasong denisisyunan dati ang Korte Suprema patungkol sa job-contrating ng PAL na kapareho ng sitwasyon ngayon. Ito ay noong kinontrata ng PAL sa Synergy Services Corporation (Synergy) ang loading at unloading ng mga bagahe at kargo ng mga pasahero ng PAL sa Mactan Station sa Cebu City.

Nagsampa ng kaso ang mga manggagawa ng Synergy (taga-Synergy) na assigned sa Mactan Station para maging regular na empleyado ng PAL.

Noong una ay ibinasura ng Labor Arbiter ang reklamong regularisasyon ng mga taga-Synergy, ngunit noong inapela ito sa NLRC, ibinaliktad nito ang desisyon ng Labor Arbiter at inutusan ang PAL na tanggapin ang mga taga-Synergy bilang regular nitong empleyado.

Pinagtibay ng Court of Appeals ang desisyon ng NLRC kaya umabot sa Korte Suprema ang kaso.

Ayon sa Korte Suprema, hindi lehitimong job contracting ang ginawa ng PAL ngunit isang “labor-only contracting,” kaya dapat tanggapin ng kumpanya ang mga taga-Synergy bilang regular na empleyado. Eto ang mga nakita ng Korte Suprema:

 

  1. Ang loading and unloading ng bagahe at cargo ng mga pasahero ng PAL ay “directly related to its main business”. Ang mga equipmentna ginagamit ng mga taga-Synergy tulad ng trailer at conveyors ay pag-aari ng PAL.
  2. Huli na noong ipinakita ng PAL na may substantial capital ang Synergy (noong nasa Court of Appeals na ang kaso).
  3. Pareho lang ang trabahong ginagawa ng mga taga-Synergy at regular na empleyado ng PAL na sabay at hali-halili pang nagtatrabaho sa Mactan Station.
  4. Ang PAL din ang may tunay na control sa mga taga-Synergy dahil sila ang nag-a-assign ng kanilang mga schedule depende sa dating ng eroplano ng PAL. Ang mga managers at supervisors din ng PAL ang nag-aapruba ng weeklyworkassignments ng mga taga-Synergy.“Respondents (taga-Synergy) having performed tasks which are usually necessary and desirable in the air transportation business of petitioner (PAL), they should be deemed its regular employees and Synergy as a labor-only contractor.”

Malamang, itong kasong ito ang inaasahan ng mga nagwewelga ngayon sa NAIA para ipawalang bisa ang pagkontrata ng PAL sa kanilang mga trabaho. Ngunit dahil sa pagkatalo ng PAL sa kasong ito, malamang natuto na rin ang PAL sa kanilang pagkakamali.

Sa kasong ito, hindi ibig sabihin na hindi na pwedeng ikontrata ng PAL ang ilang aspeto ng kanilang operasyon. Sinabi lang ng Korte Suprema na hindi lehitimong labor contracting ang kontrata nito sa Synergy kundi isa lang “job-contracting”. Kaya kung tama ba ang ginawa ng PAL ngayon sa kanilang mga manggagawa sa NAIA, eh aabangan natin ang sunod na mga kabanata. Ayan ay kung hindi pa magsasara ang PAL dahil sa lugi.

 

Conclusion

Ang kaso ng PAL ay sumasalamin lang ng estado ng mga manggagawa sa ating bansa.

Tulad ng naunang sabi ko, legal ang job contracting at nagiging prevailing trend ngayon ito sa malalaking kumpanya. Hindi mo rin masisisi ang mga employer dahil mga negosyante ang mga ito. Hindi naman sila nagnegosyo para malugi. Hindi naman sila charitable institution para buhayin ang ibang tao.

Ngunit ang nakakabahala, pati ang mga trabahong “directly related to the main business of the principal” ay nakokontrata na rin ngayon. Halimbawa, ang mga lineman ng isang electric company ay kinukontrata narin. Pati ang mga teller o cashier ng bangko na mismong negosyo nito ay kinukuntrata na rin sa labas. Pwede na ring ikontrata ng pribadong eskwelahan ang mga titser nito. Sa mga malalaking mall nga kinukontrata rin nito dati pa ang kanilang mga sales personnel.

Ang tanong ngayon, paano kung isang araw ay maisip ng kumpanya mo na ikontrata na rin ang trabaho mo para makatipid? What prevents your employer from contracting out your job to save money like what PAL did to its employees?

Yan ang mapait na katotohanan ng kapitalismo mga kaibigan, magulang at tagasubay-bay. Pera-pera lang ika nga.

———————–

“Labor is prior to, and independent of, capital. Capital is only the fruit of labor, and could never have existed if labor had not first existed. Labor is the superior of capital, and deserves much the higher consideration.”  - Abraham Lincoln

{ 8 comments… read them below or add one }

Ronald Redito October 2, 2011 at 7:21 pm

Base muna. =)

Reply

onesounddrum October 2, 2011 at 8:34 pm

hmmm.iniiwasan nla ang benepisyo ng regular employee gaya ng separation pay at liability nla sa employee.magulang nga ang patakaran.pgkatapos mo pla paglingkuran ng tapat ala ka pa rin makukuha kapatagan ng buhay pagka retire.may burjer dn pla ang ganitong sistema.hehe.

Reply

AsOL October 3, 2011 at 12:07 pm

Nice One!

yang job contracting na yan gamit na gamit yn sa mga pabrika. Lhat ng empleyado nila from agency kuno kaya kahit 5 taon na sa kompanya nagtatrabaho e di pa rin regular kahit na kung titingnan ung uri ng trabaho na ginagawa nila ay ung mismong business talaga ng kompanya. sample nian is ung mga electronics company na puro hugut sa agency ung mga empleyado pero ung trabaho naman ng mga tao dun is electronics works din nmn tlga.

garapalan na talga ng muka ang ilang kapitalismo dito sa bansa. Good luck na lng sa knila pag hinarap na nila si Bossing sa langit.

Welcome back Sir Atty. Tagal din ng updates. ^__^

Reply

duking October 3, 2011 at 9:38 pm

naniniwala akong ang laban ng PALEA ay laban ng lahat ng Pilipinong Manggagawa. Strike ang kahuli-hulihang armas ng buklod ng manggagawa laban sa hindi patas at makatarungang pag-gamit ng kapitalista sa uring manggagawa. bagamat nagkataon siguro na pambansang turismo ang tuwirang naaapektuhan, makatwiran pa rin na isulong ito sa naturang paraan. sa isang banda, tinatawag din nito ang atensiyon ng estado para sa mabilisang solusyon sa hinaing ng manggagawa.

natutuwa akong malaman na patas pa rin ang batas sa mga kaso sa pagitan ng mga manggagawa at kapitalista. nakakalungkot kasi at lalong nakakawalang pag-asa kung hahayaan lang ang mga kapitalista at mamumuhunan na walang inatupag kundi palakihin ang kanilang tubo kapalit ng pagbabalewala sa pangkalahatang kabutihan ng kanilang mga manggagawa.

Reply

silencio October 5, 2011 at 12:26 am

wala din naman talagang nangyayari sa pagwewelga eh.sana kung kasing laki sila ng edsa revolution baka may magawa pa.pero sa bilang nila mukhang malabo ata yun.

Reply

promdi October 5, 2011 at 8:27 pm

tagal ko rin inabangan ang bagong post ni atorni. heheh. salamat sa bagong kaalaman

Reply

promdi October 5, 2011 at 9:15 pm

medyo may nabaligtad ata sa last par before conclusion.
tanong ko lang, bakit di pa rin nag assume ng jurisdiction si secretary baldoz o kaya i certify mn lng nya for compulsory arbitration ang kaso nila para di ma compromise operations ng PAL. di ba imbued with public interest ang airline operations? hahay. bakit pa kasi na privatize ang flag carrier natin…

Reply

kagebunshin7 October 7, 2011 at 9:54 pm

Ngaun ko lang nalaman na ganito pala ang sistema na ginagawa ng ibang malalaking companya…. kaya ganun nlang ang pagtataka ko nung una kung bakit nagtsatyaga ang mangagawa sa pag protesta agains PAL ng napakahabang panahon… ayon pa nga sa balita may iba pa nga raw na Namatay na sa kahihintay ng hustisya…

Reply

Leave a Comment

Previous post:

Next post: