DISHONORED

by Rob aka Tito Boy on January 3, 2010

MAHIRAP MAGDALA NG CASH SA MGA PANAHONG ITO. Kaya yung iba hindi na nagdadala ng malaking pera. Imbes na puro papel ang pitaka, ay puro plastic na lang. Kapag may bibilhin ngunit walang dalang pera, ok lang…pirma lang katapat niyan.

E pa’no kung naisip mong magpahanga sa mga bisita mo, at sinagot mo ang napakalaking bill ng kinakainan ninyo at nag ala-Mar Roxas ka pa, “Itabi niyo mga pitaka ninyo…ako na,” wika mo. At nang nakita mo ang hanggang tengang ngiti ng lahat at kulang na lang ay halikan ang mga paa mo sa pasasalamat, ay parang sulit na rin. “Wow, bigtime na talaga”, sabi ng isa at parang musika sa iyong pandinig.


Tinawag mo ang waiter, “Pogi, akin na ang bill”.  Inabot ang kumikinang na card “Sir, I received a GOLD Mastercard”. At sa pagbalik ng waiter ay nakaambang na ang iyong kanang kamay para pumirma, nang biglang sinabi ni Pogi, “Sir I’m sorry but your card is dishonored.”

Tungaw…ngaw….ngaw….

Parang linya sa isang komedyang pelikula na binibidahan ni Ben Stiller. Ang awkward ng pakiramdam. Sa sobrang hiya, ipinagdasal mo na sana hindi kana pinanganak. Pero hindi eksena ng pelikula ‘to. Ito ay nangyari na sa totoong buhay.

Ang nagpahanga ay si Atty. Clodualdo de Jesus, ang kanyang credit card ay Bankard at ang restaurant ay Mandarin Villa Seafoods Village sa Greenhills. Hindi ko alam kung bukas pa yung kainan ngayon dahil medyo matagal na ang kaso (G.R. No. 119850.  June 20, 1996). Ang rason sa pag-dishonor: CARD EXPIRED.

Nangyari ang lahat noong gabi ng October 19, 1989.  Ang bill nila noon ay P2,658.50 lang pero malaki na noong panahon na ‘yon. At syempre, walang halaga ang kahihiyan.

Noong una ay umalma si Atty. Clody dahil nakalagay mismo sa card ang expiry date na September 1990. Kinaskas muli ang card at bumalik ulit si Pogi at sinabi ulit ang katagang “DENIED”. Ouch!

Sinamahan pa ng hirit ng isa sa mga bisiti ni Atty. Clody na si  Professor Lirag na “Clody, may problema ba?  Baka kailangang maghugas na kami ng pinggan?. Oo, nasa kaso yan at hindi ko inimbento, verbatim, promise.

Buti na lang at handa si Panyero Clody at humingi ng resbak sa BPI. Pumunta sa kotse at kinuha ang isa pang credit card at ipinambayad. Awa ng Diyos ay tinanggap ng Mandarin Villa at nakaiwas sila sa paghuhugas ng pinggan.

Ang malas lang ng Bankard at Mandarin Villa ay abugado ang pinahiya nila. Ang taong alam ang pasikot-sikot ng batas. Ang taong kumikita sa pagsasampa ng kaso. Ang taong nanananghalian ng law suits. “Lokohin mo na ang lasing…’wag lang ang abugado,” sabi nila. Kaya ‘yun umabot ang pangyayari sa hukuman and with good results.

Matapos ang paglilitis ay inutusan ng hukuman ang Bankard at Mandarin Villa na bayaran si Atty. Clody sa kanyang inabot na kahihiyan ng halagang  P250,000.00 as moral damages, P100,000.00, as exemplary damages, at  P50,000.00 as attorney’s fees.

Umapela sa Court of Appeals ang Bankard at Mandarin Villa at binabaan ang desisyon sa halagang  P25,000.00, P10,000.00, at  P50,000.00, respectively. Di na rin masama. Isipin mo ang bill na P2,658.50 ay lumago ng P85,000.00. Ang pinagbayad lang ng Court of Appeals ay ang Mandarin Villa at inabswelto ang Bankard.

Kaya umapela ang Mandarin Villa sa Korte Suprema. Marahil ay kontento na si Atty. Clody at para sa kanya ay vindicated na siya at hindi na niya naisip na iapela ang desisyon ng Court of Appeals (ngunit sa tingin ko ay maaring may laban pa siya kung pinatuloy niya at pinagbayad ang Bankard).

Sa Korte Suprema ay kinatwiran ng Mandarin Villa na hindi naman daw sila dapat pilitin na tanggapin ang credit card dahil hindi naman ito pera (legal tender). Bukod doon, ay sinisi pa nila si Atty. Clody dahil hindi ito nagdadala ng pera kaya kinantiyawan siya ng kanyang mga bisita.

Ngunit sinupalpal ng Korte Suprema ang Mandarin Villa. (1) May kasunduan ang Bankard at Mandarin Villa na dapat ay tanggapin (honor) ng kainan ang mga may hawak ng Bankard, pwera na lang kung ito ay expired, suspended, cancelled o tampered. (2) Nakalagay pa sa labas ng Mandarin Villa na tumatanggap sila ng credit card ng Bankard  kaya hindi na nila ito pwede itanggi (estopped).

Kaya dapat ay tinanggap pa rin Mandarin Villa ang credit card ni Atty. Clody dahil malinaw na nakaukit (embossed) dito na sa isang taon pa o sa September 1990 ang expiration.

Sinabi rin ng Korte Suprema na ang dahilan ng pagkakapahiya ni Atty. Clody ay pag-dishonor ng kanyang credit card at hindi dahil hindi siya nagdadala ng pera. Kaya sinang-ayunan ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng Court of Appeals na panagutin ang Mandarin Villa sa ginawa nitong pagpapahiya kay Atty. Clody.

Kung susuriin, ito’y aking personal na opinyon lang, kaya rin naman na-dishonor ang credit card dahil sinabi ng Bankard. Kaso inabswelto ang Bankard ng Court of Appeals at hindi na nga inapela ni Atty. Clody. Ang sabi ng Korte Suprema dito, ay dapat ginamit ng Mandarin Villa ang reasonable care and caution sa sitwasyong ganito at binigyan ng halaga ang nakalagay na expiry date sa card.

Dahil pinaglaban ni Atty. Clody ang kanyang karapatan, ay nalaman natin ang pananagutan ng isang estabisimento kapag hindi nila tinanggap ang iyong credit card dahil sa panahong ito, its good as cash. Siguraduhan lang na hindi ito expired, cancelled, suspended or tampered para maiwasang mapahiya ng hindi isa kundi dalawang beses.

Sana ay may natutunan tayo sa kasong ito.

Sa susunod na post ay dadako naman ako sa paksang Illegal Recruitment bilang pangako kay Extremus 24 na masugid na tagasunod ng blog na ito. Post by request, parang Love Radio.

Maraming Salamat at Magandang Araw sa inyo!

————————-

The rate at which a person can mature is directly proportional to the embarrassment he can tolerate.

- Douglas Engelbart

{ 13 comments… read them below or add one }

xtremus24 January 3, 2010 at 6:56 am

Ayos… sa susunod magdala ako nang kaibigan na may cash…para pag hindi epekto ang credit card…siya itutulak kong mag bayad…hehhehe

Tito Boy, maraming salamat…at susunod na ang tungkol sa OFW…
Kasi OFW ako dito sa Qatar… isang enhinyero na nakikipagsapalaran sa mundo nang Langis at Buhangin…. Mabuhay ka po….

Reply

Rob aka Tito Boy January 3, 2010 at 8:49 am

Mabuhay Kayo Diyan!

Tatay ko almost 25 years sa Saudi, kaya alam ko kahit papaano ang pakikipagsapalaran ninyo.

Sige, gagandahan ko ang susunod na post.

Ingat kayo lagi!

Reply

xtremus24 January 3, 2010 at 11:10 am

Tito Boy, share ko sa lahat nang ka opis mate ko ung blog mo…. kasi malaking tulong din ito sa kanila…para mabasa nila at may matutunan din sila kahit papaano sa batas na katulad kong kunti ang alam… pati sa lahat nang kaibigan ko… hehheh

Itong Blog na ito ay isa sa mga makabuluhang Blog na nabasa ko…. Mabuhay ka….God Bless

Reply

bonistation January 4, 2010 at 1:19 am

ay ang ganda namang ng kasong ito, nakakainspire, sana mapahiya din ako tulad nya hihih! ^^ biro lang po.. tama lang naman kasi diba, hindi nga naman matatawaran ang pagkapahiyang naranasan atty. pa naman, yun na nga banggain na lahat wag lang ang mga abugado!

salamat sa may aral ng kasong tulad nito, mahalaga ang mga ganito lalo na sa mga karaniwang tao na minsan hindi alam ang gagawin sa mga simplengh pangyayari na mayron palang nasasagasaang karapatan!

ay, HAPPY NEW YEAR po napadaan lang!

Reply

ferdz January 5, 2010 at 2:17 pm

Magaling na impormasyon ang nakasaad dito. Makabuluhan talaga. Salamat sa pagbabahagi.

Reply

Millionaire Acts April 3, 2010 at 11:13 am

First time ko dito. Ayos ha, puro batas pala ang pinag uusapan dito. Sana magawi ka rin sa site ko about pagpapayaman. :)

Reply

Renz July 8, 2010 at 9:07 pm

wow ngayon ko lang nabasa itong blog na ito. napaka informative!!!

Reply

ana July 11, 2010 at 5:12 am

tanong ko lang, paano naabswelto ang bankard, like what you said, in your opinion eh sila ang nag-deny ng card para hindi tanggapin ng mandarin villa? or bakit na-abswelto? curious lang po. tnx

Reply

pia July 22, 2010 at 5:10 pm

hi ask ko lang po may nakukulong po ba sa hindi na makabayad ng credit card??at yung amnesty po ba na sinasabi,hindi po ba pwedeng kung magkano lang ang credit limit yun na lang ang bayaran,kasi kung isasama pa lahat ng interes eh parang mahirap na talaga bayaran yun.pwede po bang manghila ng gamit o negosyo ang bangko kung hindi ka makabayad ng utang sa credit card??un kasi ang sinasabi ng mga agent na tumatawag sa bahay..totoo po ba ito..salamat

Reply

granger July 22, 2010 at 5:22 pm

Yes under RA8484 but it is only prima facie as presumption to defraud the creditor. If purely a case of indebtedness no imprisonment since it is a civil case for sum of money.

Yes they can attach properties with a court order.

Reply

Jet July 30, 2010 at 11:42 am

favorite ko to! eto pinaka comedy weh ^_^

Reply

Jet July 30, 2010 at 11:44 am

…ang galing magpatawa ng writer ^_^

Reply

evelyn October 29, 2010 at 5:30 pm

my tanong lang po ako ang mr.ko po ay naka utang sa dubai year 2008 ng magbkasyon po siya dito di na siya naka balik dahil naterminate siya kaya di na niya nabyaran…..year 2009 my nag punta dito taga bilkish daw sila finorward daw ng banko sa dubai para sila maningil kaso ala trabaho mr. ko kaya di sila naka singil so di na nag follow up yong bilkish nawala na lang bigla..ngayon 2010 my bago na naman nag punta ENZI corporation naman na niningil na e ngayon nasa saudi na ang mr. ko naka alis siya gusto nila bayaran ng buo yong utang 20thou.dirham e wala kaming perang ganun kalaki kaalis lang ng mr. ko at nagbabayad pa kami ng placement fee….gusto itong week na ito makabayad agad kami kasi kung hindi daw kakasuhan na raw nila mr. ko at pwede raw siyang damputin ng police don sa saudi……..tanong ko lang po sa dubai po naloan ang mr ko pwede po bang kunin ng ENZI corporation ang mga gamit namin dito at pwede po bang damputin ng polcie ang mr. ko don sa riyadh kahit sa duabi siya nag loan……maraming salamat po

Reply

Leave a Comment

Previous post:

Next post: