BLAME IT ON THE RAIN

by Tito Boy on May 23, 2010

Isang maulan na umaga.

Marahil ay walang magawa, naisipan ni Bernie na mag-aya ng kaibigan na pumunta sa may pampublikong palengke ng Sta. Ana para bumili ng bagoong.

Sinulong nila ang baha papunta ng palengke at nang makabili ng inaasam na bagoong ay dumeretso sila pauwi ng bahay.

Ngunit dahil sa sobrang excited na upakan ang nabiling bagoong, hindi napansin ni Bernie ang butas sa kalye na natatabunan ng maduming tubig baha at doon ay lumusot ang kanyang kaliwang paa.

Sa kasamaang palad, may apat (4) na pulgadang kinakalawang na pako sa ilalim ng imburnal kung saan lumusot ang kanyang hita.

Kung mamalasin nga naman.

Dahil sa insidente ay naospital si Bernie ng 20 araw dahil sa mataas na lagnat at hindi siya nakalakad ng maayos sa loob ng 15 araw at syempre, hindi siya nakapagtrabaho.

Ang tanong, may dapat bang managot sa insidenteng ito?

Kung ang sagot ay “Oo”, ang susunod na tanong ay “Sino”?

Dito papasok ang Article 2189 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas.

Nakasaad sa batas na ang probinsiya, lungsod o munisipyo ay mananagot sa danyos, pagkamatay, o sugat na natamo ng isang tao dahil sa depektibong kondisyon ng mga daan, kalye, tulay, pampublikong gusali at kung ano pang public works na nasa kanilang sinasakupan o control and supervision.

At ganito na nga ang ginawa ni Bernie.

Nang makabawi sa kanyang kalusugan ay dinemanda niya ang Pamahalaang Lokal ng Maynila na nagmamay-ari ng palengke at ang pribadong contractor na namamahala nito.

Sabi ni Bernie, may pagkukulang ang pamahalaan ng Maynila dahil hindi nito tinakpan ang butas sa kalye na naging dahilan paglusot ng kanyang mabuhok at flawless na hita.

Syempre, tulad ng isang maasahang gobyerno, imbes na tulungan ang pobreng nasasakupan, ay pinasa ng pamahalaan ng Maynila ang sisi sa kanilang contractor na dapat ay tiniyak na ligtas sa sakuna ang palengke.

Hindi lang yun, sinisi pa ng pamahalaan ng Maynila si Bernie, kung bakit daw pinilit pa nitong pumunta ng palengke para bumuli ng bagoong, na alam naman niyang umuulan at bumabaha sa lugar na ‘yon.

Natalo si Bernie sa mababang hukuman at na-dismiss ang kaso. Inapela ni Bernie ang kaso sa Intermidiate Appeallate Court (IAC) ang dating Court of Appeals.

Narinig ng IAC ang hinaing ni Bernie at pinagbayad ang contractor ng palengke, ngunit hindi pinagbayad ang pamahalaan ng Maynila.

Umakyat sa Korte Suprema ang kaso kung saan ang tanging issue ay kung dapat bang pagbayarin rin ang pamahalaan ng Maynila.

Sabi ng Korte Suprema, kahit pinaubaya na ng pamahalaan ng Maynila ang pangangasiwa ng palengke sa contractor, nanatiling pa rin itong may “control and supervision.”

Pangalawa, hindi kasalanan ng isang tao kung pumunta siya sa isang pamilihan dahil karapatan niyang isipin na papanatilihin ng may-ari at namamalaha na ligtas ang tindahan para sa mga mamimili.

Pangatlo, napatunayan na talagang may pagkukulang ang pamahalaan ng Maynila dahil limang (5) buwan na palang walang takip ang imburnal at wala man lang nakalagay na babala sa tabi nito.

Kaya yun, pinanagot din ang pamahalaan ng Maynila at pinagbayad ng halagang P221.90 bilang gastos ni Bernie sa ospital, P900 bilang bayad sa panahong hindi siya nakapaghanap-buhay, P20,000.00 moral damages at P10,000 bilang attorney’s fees.

Malaking halaga na rin para sa taong 1974 kung kelan nangyari ang insidente.

Ang kasong ito ay landmark case pa rin hanggang ngayon

At ang lahat ng ‘yan ay dahil sa bagoong.

(Source: Bernardino Jimenez vs. City of Manila, et al., G.R. No. 71049, May 29, 1987.)


 

————–

We would be guilty of negligence if we just sat on our hands and waited.

- John Oxford

{ 19 comments… read them below or add one }

ferdie May 23, 2010 at 3:39 pm

Nakabase rin!

Dapat talaga bigyan ng halaga ang bagoong! Dapat magkaroon ng bagoong day!

Ayus napaka-infprmative nito, pwede ko pala ireklamo ang sira-sirang daan papasok ng baryo namin.
Salamat Attorney!

Reply

xtremus May 23, 2010 at 5:48 pm

pwede pala iyon… salamat sa Bagoong…. ( alamang o isda )… at sana samahan nang Mangga… kala ko pag nahulog ka… sorry ka…. pero dahil may article 2189 nang kodigo sibil meaning pwedeng magreklamo….Pero TB, hindi pa ba na revised yang batas na yan matagal na kasi din…. ?

Salamata Atty.

Reply

granger1220 May 23, 2010 at 10:08 pm

wala namang dapat i revised sa 2189

Reply

xtremus May 23, 2010 at 10:41 pm

Paano kung sa National highway ka na disgrasya? Di ba ang article 2189 is a general law. pero meron parin na Special law katulad nang Republic Act no. 409 nang maynila. Hindi ba sya conflict sa article 2189 ?

Reply

granger1220 May 24, 2010 at 6:40 am

di ko makita yung RA409?
may rules naman sa conflicts of laws kaya, in the instant case, the alleged RA409 being a special law enacted after the general law which is the civil code, the former shall be the exception to the latter and the latter remains a good law unless there is an express provision repealing 2189 of the CC in the alleged RA409

Reply

Tito Boy May 24, 2010 at 7:31 am

Magandang tanong yan.

Ang RA 409 ay charter ng City of Manila. Sabi doon ay hindi liable ang lungsod sa mga negligence ng mga opisyales.

Ang RA 409 ay sumasakop sa negligence in general, samantala ang Art. 2189 ng Civil Code ay specific sa negligence patungkol sa mga depektibong daan, tulay at gusali.

Kaya ang Art. 2189 ang nangingibabaw.

Kahit national highway ang daan, kapag ito ay under supervision and control ng lokal na pamahalaan, sabit pa rin sila.

Ayon yan sa kaso ng City of Manila vs. Teotico, et al. [G.R. No. L-23052, January 29, 1968], tungkol sa isang propesor ng UE na nahulog sa imburnal sa may luneta (nanalo ang propesor sa kaso).

Reply

granger May 24, 2010 at 10:05 am

imburnal na naman! he he

Reply

lee mi May 25, 2010 at 4:40 pm

yayys.. baka Prof ko pa yun ahh..=)

Reply

bonistation May 23, 2010 at 11:56 pm

wow landmark case! ang tagal na pero basehan padin yan ng mga kasong magaganap! ang sakit naman nung napako pa.. may batas palang ganyan na ang munisipalidad o syudad ang mananagot sayo kung sakaling may mangyaring sakuna dulot ng kapabayaan. now i know! =)

Reply

asero May 24, 2010 at 12:20 pm

“Hindi lang yun, sinisi pa ng pamahalaan ng Maynila si Bernie, kung bakit daw pinilit pa nitong pumunta ng palengke para bumuli ng bagoong, na alam naman niyang umuulan at bumabaha sa lugar na ‘yon.”

Haha natawa ako sa katwiran ng Pamahalaan ng Maynila. Siguro kung lampas tao ang baha, may katwiran sila. Pero kung ganun man, di na sya mapapako dahil lulutang na sya sa tubig hehe.

Reply

granger May 24, 2010 at 12:48 pm

dapat sisihin yung nagtitinda ng bagoong, alam na nga na umuulan at bumabaha nagtitinda pa eh kung sya napako di wala ng magtitinda ng bagoong sa sta ana

Reply

duking May 24, 2010 at 8:32 pm

‘di po ba kapag sinabing ‘landmark case’ ibig sabihin s’ya yung ginagawang basis at refference ng mga susunod pang parehas na kaso?

will it be the same thing kapag naaaksidente tayo habang nagmamaneho dahil sa kapabayaan ng mga nagangalaga sa kalsada?(MMDA,DPWH,SLEX,NLEX)

magandang araw sa lahat!!!ang tagal kong absent at wala akong dalang excuse letter.hehehe!

Reply

granger May 25, 2010 at 9:40 am

doctrine of stare decisis

Reply

Kirschen May 25, 2010 at 10:04 am

buti n lng me article 2189 ng kodigo sibil…..^_^

kya cguro ngpatayo n rin ng ospital sa may sta. ana pra sa mga tulad ni bernie n bibili lng ng bagoong at mamalasin p :D

Reply

granger May 25, 2010 at 10:15 am

taga maynila ka ba kirschen at alam mo ang bagong ospital

Reply

HOKENS May 25, 2010 at 6:00 pm

sa tsalap ng bagoong, di na inalintana ni ka bernie ang baha. sayang minalas, pero dahil diyan naliwanagan tayo sa kung ano ang maaari nating gawin kung sakali mangyari sa atin. sana wag na lang mangyari. hehehehe.

Reply

batangmangyan June 1, 2010 at 7:09 pm

masarap talaga ang bagoong kaya kelangan ipaglaban hanggang sa SC, haha.

ngayon panyero alam ko na kung sino ang sisihin at dapat managot kung sakaling mapako ako kakalayas at kakagala. salamat panyero.

Reply

len June 8, 2011 at 1:40 am

ang galing! ang humor ay pinoy at napakainformative, more power!

Reply

ferdie March 6, 2012 at 2:15 pm

d kaya itinulak si bernie ng kasama nyang kaibigan, kaya siya nahulog sa imburnal?
kung ganon, may pananagutan din ba sya?

Reply

Leave a Comment

{ 2 trackbacks }

Previous post:

Next post: