FIANZA

by Rob aka Tito Boy on January 14, 2010

INNOCENT UNTIL PROVEN GUILTY. ‘Yan ang isa sa pinaka-basic na karapatan ng isang akusado sa krimen. Habang hindi napapatunayan ang kanyang mga pananagutan ay isa siyang inosenteng mamayan para sa mata ng batas.

Dahil sa prinsipyong ito, nararapat din hayaan ang akusadong ma-tamasa ang kanyang kalayaan habang nililitis pa ang kaso, dahil kung tutuusin ay hindi pa napapatunayan ng hukuman ang mga binibintang sa kanya.

E pano kung talagang siya ay may sala at malaki ang posibilidad na tatakas kapag pinalaya dahil malakas ang mga ebidensiya laban sa kanya?

Diyan papasok ang paksang bail.

Ito ay isang sistema para masiguradong walang mabubulok sa kulungan dahil sa maling bintang – at sa kabilang banda – hindi basta-basta matatakasan ng isang kriminal ang kanyang mga pananagutan at magtago na lang lagi sa prinsipyong nabanggit.

Ano ba ang bail?

Ang bail o kilala sa tawag na piyansa, ay ang seguridad na ibibigay ng isang akusado para pansamantalang makalaya habang nililitis ang kaso niya at masiguradong sisipot siya tuwing may hearing. Dahil sa bail ay magda-dalawang isip ang sino man, bago pumuga.

Kung baga sa sugal, ay pumupusta ang akusado na hindi siya tatakas o tinatawag na mag “jump bail”. Syempre, ang halaga ng bail na ipapataw ng korte ay batay sa iba’t-ibang factors, tulad ng:

(1)financial status ng akusado, (2) krimen na nagawa, (3) reputasyon ng akusado, (4) edad at kalusugan niya, (5) mga ebidensiya laban sa akusado (6) posibilidad na tumakas siya (7) kung meron siyang iba pang kaso o dati nang pumuga.

Halimbawa, kung si Lucio Tan ang akusado, mahina ang isang milyong pisong bail, barya lang kasi sa kanya ‘yon. Ang kasong murder ay mas mataas ang halaga ng bail kumpara sa kasong physical injury lang. Ang mga notoryus na estafador naman ay karaniwang mataas ang recommended bail dahil sila ay flight risk kasi maraming perang nadispalko.

URI NG BAIL

May iba’t-ibang uri ng bail o seguridad na maari mong ipusta:

(1) Cash deposit – Perang malutong. Si Vicente Lim, Josefa Escoda at Jose Abad Santos ang mga backer mo dito. Isama mo na rin si Ninoy.Aquino at Jose Rizal sa butal. Pagkatapos ng paglilitis ay ibabalik ito sa sino mang nagbayad at walang interes (hindi naman ‘yan time deposit). Kapag tumakas ka naman: bye-bye ka na rin kay Lim, Escoda at Abad Santos.

(2) Property Bond – Kung wala kang pera, pwede ang titulo ng lupa mo. Kung makatakas ka man, ang bahay mo hindi, at isusulat yan sa likod ng titulo . Kaya walang sira-ulong bibili niyan kahit ibenta mo ng palugi.

(3) Recognizance – Maaring kang palayain o ibigay ka sa kustodiya ng isang responsableng tao. Ang nakataya dito ay ang reputasyon mo o nang taong gagarantiya sa iyo. Limitado lang ang mga kasong ganito.

(4) Corporate Surety – Dito ang bonding company ang gagarantiyang hindi ka tatakas. Ang mga bonding company na ito ay dumaan sa masusing rekesitos ng Korte Suprema bago maka-operate, para maka-siguradong may sapat silang kakayahan.

Ang corporate surety or bondsman ay para sa mga taong kulang ang pera o walang ari-arian para pang bail.

Halimbawa, imbes na magbawad ka ng Php100,000.00 sa bail mo ay maaring singilin ka lang ng bondsman ng P10,000.00 at sila na ang bahala. Kaso dapat i-renew mo ito taon-taon.

Tulad ng sabi ko, ang bondsman ang mag-gagarantiya sa korte na sisipot ka sa paglilitis. Kaya kapag tumakas ka ay papahuli ka nila sa kanilang mga bounty hunters na kamukha ni Mister T at ibabalik ka sa kulungan. Kung hindi ka kasi nila mahuli ay babayaran ng bondsman ang buong halaga ng bail.

Di tulad ng cash bail, sa corporate bond ay hindi na mababalik ang pera mo. At kung tumagal ang paglilitis, ay lagi ka magre-renew, kaya kung kukuwentahin mo ay parang ganon na rin ang babayaran mo. Kapag may pera, mag cash bail ka na lang.  

 

BAIL AS A MATTER OF RIGHT

 

Ang pag-bail ay karapatan ng akusado kung ang kaso niya ay nasa Metropolitan/ Municipal Trial Court (MTC) lamang nililitis. Small time lang kasi ang mga krimen sa MTC.

Ang pag-bail ay karapatan din ng akusado kung nasa Regional Trial Court (RTC) ang kaso ay hindi pinaparusahan ng reclusion perpetua, or life imprisonment.

 

Kung ang kaso ay pinaparusahan ng reclusion perpetua or life imprisonment at malakas ang ebidensiya (evidence of guilt is strong) walang piyansa yan. Kung hindi naman malakas ang ebidensiya, ay pwede mag-bail.

Ang kaso ng mga Ampatuan (sa oras ng pagsulat ng post na ito) ay kasalukuyang dinidinig kung ang “evidence of guilt is strong.” Nag-file kasi ng Motion to Post Bail si Ampatuan, Jr., at syempre kinontra ito ng prosekusyon.

Hindi pa talaga nagsisimula ang paglilitis kung tutuusin. Preliminaries pa lang. Nagpe-presenta lang ng ebidensiya ang prosekusyon para patunayan na ang evidence of guilt is strong at hindi dapat maka-piyansa si dayunyor.

Base sa pangyayari at sa mga testimonya ng mga saksi, kapag nakapag-piyansa pa rin si dayunyor, ewan ko na lang. Sabay-sabay na lang siguro tayong mag-migrate sa Timbuktu.

BAIL WHEN DISCRETIONARY

Alam mo ba na kahit sintensiyado ang isang tao ay pwede pa rin siyang mag-bail?

Oo, pwede. Kasi may apela pa. Hanggat naka-apela ay may posibilidad na ma-acquit pa rin siya. Kapag naka-apela ay tuloy parin ang paglilitis at maaring mag-apply pa rin ang prinsipyong “innocent until proven guilty“. Kung hindi siya umapela, edi kulong na.  

Kung na convict ang isang tao ng MTC ay matter of right pa rin ang bail. Kung sa RTC naman, matter of discretion na yun. Nasa korte na ang pagpapasya kung papayagang magpiyansa o hindi.

Syempre kung ang parusang ibinigay ng RTC ay reclusion perpetua or life imprisonment walang nang bail. Ano pang “evidence of guilt is strong” ang pag-uusapan e convicted na nga.

Kung ang parusang ibinigay ay lampas 6 na taong kulong, maaring ‘di payagan ang piyansa o ikansela ito kung ang akusado ay nakagawa ng krimen habang nasa piitan, dati nang pumuga sa kulungan, gumawa ng krimen habang naka-probation, siya ay isang “flight risk“, o maaring gumawa pa ng krimen habang nakaapela.

WHERE TO FILE

Maaring magpiyansa sa korte kung saan nakabinbin ang kaso. Kung sarado, sa katabing korte. Kung walang hukom sa katabing korte, sa ibang korte ma pa MTC or RTC. Kahit saan basta may bukas na tindahan.

Mabilisan kasi ‘to, kalayaan ang pinag-uusapan dito at syempre walang gusto mag-overnight sa selda.

Bail not a bar to objections on illegal arrest, lack of or irregular preliminary investigation

Kapag nag-apply ka ng bail, hindi ibig sabihin noon ay kinikilala mo na ang pag-aresto sayong pinapaniwalaan mong ilegal o walang basehan. Kaya kahit ganon ang sitwasyon, mag-aaply ka muna ng bail, saka na kwestyunin ang illegal arrest ang importante, lumaya muna.

——————

“A man of courage never needs weapons, but he may need bail.” - Lewis Mumford

{ 14 comments… read them below or add one }

onesounddrum January 14, 2010 at 1:38 pm

nice one atty…may alam na ko sa batas..hehe..hindi na ako aanga sa may alam na iilan lang kahit basic lang to..salamat atty

Reply

Rob aka Tito Boy January 14, 2010 at 1:44 pm

onesoundrum,

Basic is better than nothing. Knowledge is power! (sumalangit nawa ang kaluluwa si Ernie Baron)

Reply

bonistation January 15, 2010 at 3:55 am

ayun pala ang bail. hehe salamat po sa pag liliwanag! intendidos na! ^^

Reply

Rob aka Tito Boy January 15, 2010 at 4:33 am

Naks Bon, pogi ng avatar mo ah.

Reply

xtremus24 January 16, 2010 at 4:13 am

wow, panalo na naman ang isang magandang kaalaman… natuto na naman ako… ngaun ko lang talaga nalaman ito… Maraming Salamat po…

Reply

Rob aka Tito Boy January 16, 2010 at 6:25 am

xtremus24, ilang post pa, pwede ka na mag-abugasya haha.

Reply

Roger January 16, 2010 at 5:26 am

wow :D
ganun pala. dapat malaman to ng mas maraming tao eh. kasi sa totoo lang, ignorante ang karamihan sa mga karapatan nila. kasama na ako dun.

pero yung ibang tao, mataas yung mga pride. ayaw daw nilang magpiyansa, kasi wala silang kasalanan. haha. hindi ko sila maintindihan.

Reply

Rob aka Tito Boy January 16, 2010 at 6:26 am

Roger, well kung kaya tiisin ng sikmura nila ang baho ng mga kulungan dito, then so be it. It may be for a higher cause hehe.

Reply

ferdz January 18, 2010 at 12:40 pm

kala ko bailey’s, bail lang pala.

Salamat sa isang kapaki-pakinabang na post.

Reply

jongskie721 March 16, 2010 at 5:25 pm

3) Recognizance – Maaring kang palayain o ibigay ka sa kustodiya ng isang responsableng tao. Ang nakataya dito ay ang reputasyon mo o nang taong gagarantiya sa iyo. Limitado lang ang mga kasong ganito.—?maari kang?

Reply

jongskie721 March 16, 2010 at 5:27 pm

Halimbawa, imbes na magbawad ka ng Php100,000.00 sa bail mo ay maaring singilin ka lang ng bondsman ng P10,000.00 at sila na ang bahala. Kaso dapat i-renew mo ito taon-taon.—> magbayad po atty

Reply

Jingle March 17, 2010 at 10:03 pm

Atty. usually po how much does it cost to file a case for physical injury?

Reply

Tito Boy March 18, 2010 at 7:51 am

@jingle, docket fee is not that big in criminal cases, not so sure about the exact amount, around P500 or even less.

Reply

jhenny vasquez March 15, 2012 at 11:08 am

Atty pano po kung nakapag jumpbail ng di sinasadya then susurender para mailaban ang kaso makakapag bail pa po ba ulit habang dinidinig ang kaso? Salamat po attorney.

Reply

Leave a Comment

{ 1 trackback }

Previous post:

Next post: