DAMMIT!

by Tito Boy on June 26, 2011

"Mooo..Meee..." sigaw ng mga hayop

Dalawang oras akong natengga sa trapik noong kasagsagan ng bagyong Falcon.  Tuwing nagkakaroon ng ganoong klaseng pagbuhos ng ulan, naiisip ko ang bagyong Ondoy kung saan binaha kami hanggang tuhod.

Sa ganitong mga pagkakataon, malaking dahilan ang pagpapakawala ng tubig ng mga dam kaya’t nagkakandaleche-leche ang daloy ng tubig sa ilog papunta sa pinto ng mga bahay nyo. Ngunit hindi na ito bago.

Noong ika-26 ng Oktubre taong 1978, binayo ng bagyong Kading ang Metro Manila. At dahil umapaw na ang Angat River, nagpakawala na ang Napocor ng tubig sa Angat Dam sa may Norzagaray, Bulacan. Nabulaga ang mga residente malapit sa dam at nabura sa mapa ang kanilang lugar at nalunod ang kanilang mga alagang hayop. “Mooo! Moooo! Meeeee! Meeeee!,” ang sigaw ng mga hayop.

At dahil sa perwisyong dinulot ng pagpapakawala ng tubig sa dam, nagsampa ng kaso laban sa Napocor na may hydroelectric plant at nagpapatakbo ng Angat Dam ang mga residente ng Norzagaray, sa pangunguna ni Gaudencio Rayo (tatawagin nating “Ryu,” kuha sa paborito kong character sa Street Fighter, oh yeah!).

 

NAPOCOR vs COURT OF APPEALS, GAUDENCIO C. RAYO et al. G.R. Nos. 103442-45 May 21, 1993

Binasura ng Court of First Instance (ngayon ang tawag dito ay RTC na—ganyan ka-luma ang kasong ito) ang reklamo nina Ryu kaya’t umapila sila sa Court of Appeals.

Sa CA, nanalo sina Ryu at pinagbayad ng danyos ang Napocor ng malaking halaga.

Ayon sa CA, negligent o pabaya daw ang Napocor sa pagpapakawala ng tubig sa Angat Dam dahil October 21 pa lang ay nabalita na ang tungkol sa paparating na malakas na bagyong Kading sa mga pahayagan tulad ng “Super Howler to hit R.P” (Bulletin Today), “Kading’s Big Blow expected this afternoon.” (Hindi inilagay kung saang dyaryo ito galing pero malamang sa “Tiktik”)

Alam naman daw ng Napocor na ang Angat Dam ay makakapag-imbak lamang ng hanggang 217 metro ng tubig. Ngunit dalawang (2) araw bago humagupit ang bagyong Kading, nasa maximum level pa din ang dam at maliit lamang ang tubig na pinakawalan.

Kaya noong hatinggabi ng Oktubre 26, hindi na nakayanan ng dam at biglaang pinakawalan ang napakadaming tubig habang himbing na natutulog sina Ryu et al. kasama ang kanilang mga alagang hayop. Dito nakumbinsi ang CA na nagpabaya ang mga taga-Napocor.

Korte Suprema

Sa Korte Suprema ay umapila ang Napocor upang baligtarin ang desisyon ng CA. Ayon sa Napocor, namahagi sila ng written notice sa mga naninirahan malapit sa dam bago magbagyo kaya’t hindi totoo na nagpabaya sila, at ito daw ay “Act of God,” isang bagay na hindi nila kayang pigilan.

Ayon sa Korte Suprema, hindi daw sapat ang babalang binigay ng Napocor sa mga tao na may nakasulat na:

TO ALL CONCERN (sic):

Please be informed that at present our reservoir (dam) is full and that we have been releasing water intermittently for the past several days.

With the coming of typhoon “Rita” (Kading) we expect to release greater (sic) volume of water, if it pass (sic) over our place.

In view of this kindly advise people residing along Angat River to keep alert and stay in safe places.”

Ang sulat daw ay masyadong mahina—hindi sinabi doon ang magnitude ng tubig papakawalan ng dam kaya hindi nakapaghanda ang mga residente. Siguro kung nilagay nila sa sulat ay: “UMALIS NA KAYO, MAGPAPAKAWALA KAMI NG GA-TSUNAMING TUBIG—NAKAMAMATAY!!!,” maaring nanalo pa sila sa kaso.

At dahil sa kapabayaang ginawa ng Napocor, hindi na masasabing act of God ang insidente at ito’y na-humanized.

Moral of the story para sa mga dam operators: Gawing nakakatakot ang mga babala.

SIDE STORY

Ang kaso palang ito ay nadesisyonan noong 1993—matapos ang labinlimang (15) taon. At noong 2007, naghain ng disbarment case si Ryu laban sa kanyang abogado dahil ayaw daw nitong ibigay ang tsekeng inisyu ng Napocor sa kanya na nagkakahalaga ng P1,060,800.00.

Matapos ang pakiusapan, idiniposito rin ng abugado ni Ryu ang kalahati ng panalo sa halagang P557,961.21.

Sabi ng abugado ni Ryu, entitled daw siya sa 60% ng panalo dahil ito ang usapan nila at matagal nyang pinaghirapan ang kaso sa loob ng 15 taon mula RTC hanggang Korte Suprema.

Ngunit pinarusahan pa rin siya ng SC at sinuspinde ng 6 na buwan bilang abugado. Dapat lang daw ang 35% ang reasonable at patas niyang parte bilang abugado at dapat niyang isoli ang halagang P290,109.21.

———


 

“A little neglect may breed great mischief.” – Benjamin Franklin

 

{ 10 comments… read them below or add one }

BM June 26, 2011 at 9:22 pm

Basa muna!

Reply

BM June 26, 2011 at 9:30 pm

kinakabahan din kami noong isang gabi panyero, halos magdamag na nag-aabang kung tataas ba ang tubig sa kalye.

ang tagal naman bago madesisyunan ang kasong yan, halos wala ng halaga ang ibinayad na danyos, tapos sinuwapang pa ng magaling na abogado haha taragis!

Reply

mile June 26, 2011 at 11:02 pm

2nd!

Reply

mile June 26, 2011 at 11:09 pm

wow tito boy buti kayo tuhod lang.. kami 2nd floor nung ondoy =(
grabe tagal ng kaso na yan..

tb kahit na may verbal agreement sila na 60percent mapupunta sa lawyer ni ryu void pa din kung contrary to law ung kontrata?

Reply

BON June 27, 2011 at 12:09 am

nakakaranas din kami ng pagpapakawala ng tubig sa Pantabangan Dam sa Nueva Ecija. =) my downside din talaga ang lahat ng bagay haha. kung may mabuting naidudulot.. ayun paminsan minsan may perwisyo din! .. pero ganun talaga, nung hindi pa uso ang internet at cable tv akala mo ikaw lang o ang lugar nyo lang ang binabaha nakakapanlumo… pero ngayon kahit pala mayayamang bansa binabaha nadin at mas grabe pa! so parte lang talaga ng buhay ang mga kalamidad! ang buhay ay weather weather lang..

nung undoy na demanda din ang napocor sa san roque dam ano na kaya nangyari dun?

Reply

BON June 27, 2011 at 12:15 am

hindi pala yata undoy un.. ung sumunod sa kanya

Reply

saturn June 27, 2011 at 8:23 am

idol talaga kita sa pag present ng case. like like like! kelangan mapag-aralan ang teknik na ‘to. hehe.

Reply

Raphnexx June 27, 2011 at 10:02 am

tsk tsk nice 1.okay yun ah….I learned something new today.

Reply

promdi June 27, 2011 at 10:05 am

10% nga lang sa labor cases panyero.

Reply

Hokens June 27, 2011 at 5:14 pm

na-ondoy din kami kasi from pasig ako. 2 days na lubog sa tubig ang aking munting tahanan. waaaaaaaaaah. pero pasalamat pa rin ang ligtas ang family. sana di na maulit ang ganun.

Reply

Leave a Comment

Previous post:

Next post: